January 15, 2025

Home BALITA National

Ka Leody, hinamon si SP Chiz: 'Sahod, itaas! Presyo, ibaba!'

Ka Leody, hinamon si SP Chiz: 'Sahod, itaas! Presyo, ibaba!'
Ka Leody de Guzman at Senate President Chiz Escudero (Facebook)

Hinamon ni labor leader Ka Leody de Guzman si Senate President Chiz Escudero na gumawa ng paraan upang mapataas ang sahod at mapababa ang presyo ng mga bilihin kung nais daw nitong bumawi sa naging “pang-iinsulto” umano niya sa mga manggagawa.

Matatandaang noong Agosto 7, 2024 nang ipahayag ni Escudero na plano umanong limitahan ang mga holiday sa Pilipinas sapagkat nagiging “less competitive” daw ang mga kompanya at manggagawa sa bansa.

Matapos umani ng mga kritisismo ay klinaro ni Escudero noong Agosto 10 ang kaniyang naunang pahayag, at sinabing hindi naman daw babawasan ang bilang ng mga holiday sa Pilipinas, bagkus ay hindi lamang daw ito dadagdagan.

MAKI-BALITA: SP Chiz kumambyo, may klinaro hinggil sa plano sa PH holidays

National

Davao City, inungusan Maynila; pangwalo sa 'worst traffic city' sa buong mundo

“Naglilinaw ngayon si Chiz na hindi naman niya nais bawasan ang pyesta opisyal kundi limitahan na lamang ito at huwag nang dagdagan. Mas lalong nakakalito ang ganitong pahayag,” reaksyon naman ni De Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa (PLM), nitong Lunes, Agosto 12.

“Kung sa kilusang paggawa, maaari namang isantabi ang naramdamang pang-iinsulto nang nakaraan niyang pahayag, may misinterpretation man o wala. Sapagkat wala pa naman siyang ginawa kundi ang magpahayag lang. ‘No harm, no foul’, ‘ika nga.”

“Nais nating ipaalala na tumataas na nga ang ‘labor productivity’ sa bansa subalit hindi sumasabay ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, binanggit ng labor leader ang datos umano ng Ibon Databank kung saan tumaas nang 42% ang produktibidad ng mga manggagawa sa Metro Manila mula 2012 hanggang 2022. Sa kabila nito, nasa 18% lamang naman daw ang itinaas sa sahod ng mga manggagawa.

“Kung ang sadya ng ating Senate president ay tumaas pa ang produktibidad ng manggagawa, gawin niyong nakabubuhay na sahod ang minimum wage. Nakabinbin ang panukalang legislated nationwide wage increase sa Senado,” giit niya.

Ayon pa kay De Guzman, nasaksihan daw niya sa kaniyang mahabang panahong pagtatrabaho sa isang kompanya at sa kaniyang 40 taon bilang labor leader at organized na tumataas ang “output” ng mga manggagawa kapag maayos ang natatanggap nilang sahod at benepisyo.

“Happy workers are more productive workers. Kapag may maayos na sahod at benepisyo ang manggagawa, at hindi sila nag-aalala sa batayang pangangailangan ng kanilang pamilya, tumataas ang kanilang output at hindi nila ipinagdadamot ang kanilang likas na kasipagan,” ani De Guzman.

“Ang pagtataas ng sahod at pagkontrol sa mga presyo ang pinakamainam na ‘damage control’ ni Sen. Chiz kung gusto niyang bumawi sa kaniyang pang-iinsulto sa manggagawa. Sapagkat lahat ng manggagawa sa buong bansa ay apektado ng across-the-board na inflation. Baliktarin ang patakaran ng deregulasyon dahil walang pangil ang ‘suggested retail price’ ng Department of Trade and Industry (DTI ),” saad pa niya.