Isang bonggang birthday gift ang natanggap ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera isang araw bago ang kaniyang birthday ngayong August 12.
Nitong Linggo ng gabi, August 11, ginanap ang 20th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival awards night sa Ayala Malls Manila Bay kung saan nasungkit ni Marian ang Best Actress award para sa kaniyang pelikulang "Balota."
Bukod kay Marian, nanalo ring Best Actress si Gabby Padilla para naman sa pelikulang "Kono Basho."
"Birthday ko po bukas. Salamat po sa napakagandang regalo. Taos-puso po akong nagpapasalamat," sey ni Primetime Queen nang tanggapin niya ang award.
"Sa lahat po ng Teacher Emmy na matapang na ginagawa ang lahat para maproktetahan ang boto ng sambayanan kahit pa ang sarili nilang buhay ang malaan sa panganib. Teacher Emmy, para sa'yo 'to," dagdag pa niya.
Si Teacher Emmy ang karakter na ginampanan ni Marian sa 'Balota.' Siya ay isang mahigpit ngunit tanyag na guro sa isang maliit na bayan. Itinalaga siya bilang isa mga Board of Election Inspectors para sa kanyang lokal na presinto. Nang magkaroon ng kaguluhan, tumakbo siya sa kagubatan na may dalang ballot box na naglalaman ng huling kopya ng resulta ng halalan.
Samantala, nagdiriwang si Marian ngayong August 12 ng kaniyang 40th Birthday.