November 22, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Si Ninoy Aquino at ang pagsiklab ng EDSA 1

BALITAnaw: Si Ninoy Aquino at ang pagsiklab ng EDSA 1
(Photo courtesy: Ken at Lupita Kashiwahara via MB)

Sa paggunita ng ika-41 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., halina’t balikan ang naging pagpaslang sa kaniya na kalauna’y nagpasiklab ng EDSA People Power Revolution at nagpabalik sa demokrasya ng bansa.

Bilang isang senador ng 7th Congress at hayagang kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., isa si Ninoy sa mga unang inaresto matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.

Sa tala ng Official Gazette, noong mga panahong iyon ay iniharap si Ninoy sa paglilitis ng militar, inakusahan at kinasuhan ng murder, illegal possession of firearms, at subersyon. Nagtiis siya ng pitong taong pagkakakulong, hanggang sa pinayagan siyang magpagamot sa Estados Unidos dahil sa karamdaman sa puso.

Makalipas ang tatlong taong pagkakatapon sa US, nagdesisyon siyang bumalik ng Pilipinas sa kabila ng maaaring panganib na naghihintay sa kaniya doon.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang ika-11 taong paggunita sa pagtama ng bagyong Yolanda

Ayon din sa mga ulat, isang araw bago ang flight ni Ninoy pa-Maynila, Agosto 20, 1983, tinanong daw siya ng mga mamamahayag tungkol sa umano’y “assassination plot” laban sa kaniya kapag nakatungtong siya muli sa sariling bansa.

“Assassination is part of public service,'' sagot naman ni Ninoy. ''I cannot be petrified by inaction or fear of assassination and therefore stay in a corner.''

Matapos malamang pwedeng hindi kilalanin ang kaniyang pagbabalik, gumamit din si Ninoy ng alyas sa pasaporte: ang Marcial Bonifacio.

Ang “Marcial” ang kumakatawan sa salitang “Martial Law” habang “Bonifacio” naman ang kumakatawan sa Fort Bonifactio kung saan siya ikinulong.

Pasado 1:00 ng hapon noong Agosto 21, 1983, nang dumating si Ninoy sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport) kasama ang ilang international media. Doon ay naghihintay umano sa kaniya ang daan-daan niyang mga tagasuporta. 

Inihatid naman si Ninoy ng mga sundalo patungo sa isang sasakyang militar na maghahatid sana sa kaniya sa Fort Bonifacio.

Ngunit matapos lamang ang ilang segundo mula nang lumabas si Ninoy sa eroplano, narinig ang putok ng baril. Sinundan ito ng mga pagsigaw matapos makita ng mga tao sa lugar si Ninoy, nakahandusay at duguan kasama ang bangkay ng kinilalang si Rolando Galman.

Sa kabila ng samu’t saring haka-haka at suspetya, hanggang ngayon ay misteryo pa rin kung sino ang tunay na pumatay kay Ninoy.

Samantala, ang pagpaslang kay Ninoy ang nagpasiklab umano ng galit ng kaniyang mga tagasuporta maging ng mga kritiko ng administrasyon ni Marcos. 

Ito rin ang kalauna’y nagbunsod sa makasaysayang EDSA People Power Revolution noong 1986 na nagpabagsak sa rehimeng Marcos at nagpabalik ng demokrasya ng Pilipinas.