December 23, 2024

Home SPORTS

Sports analyst, hinimok magtatag ng 'Department of Sports' ang gobyerno

Sports analyst, hinimok magtatag ng 'Department of Sports' ang gobyerno
Photo Courtey: Screenshot from Teleradyo Serbisyo (YT), Philippine Sports Commission (FB)

Hinikayat ng lawyer at sports analyst na si Ed Tolentino ang gobyerno na magtatag ng Department of Sports upang malutas ang hindi umano pagiging organisado ng Philippine sports agencies.

Sa ulat ng ABS-CBN News nitong Linggo, Agosto 11, sinabi ni Tolentino na nahahati raw ang pondo para sa mga atleta dahil sa dalawang sports agencies na umiiral sa bansa, ang Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

"This is the problem of Philippine sports. Too many cooks are spoiling the broth. Ang daming nagluluto, kaniya-kaniyang recipe. Minsan ang lumalabas sa ulam, panis na. Hindi ba mas maganda iisa ang nagmamando?" pahayag ni Tolentino.

"Mas madali ang feedback mechanism kung iisa ang ating pinagtatanungan, iisa ang may kontrol, maliwanag ang mensahe sa atleta, madali nilang maidudulog ang kanilang problema,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kaya naman ayon kay Tolentino, isang milagro daw na nakakasungkit pa rin ang Pilipinas ng gintong medalya sa Olympics sa kabila ng maliit na pondong inilalaan sa mga atleta. 

Sa katunayan, sa proposed budget umano ng gobyerno para sa 2024, ₱700 million lang daw ang balak ibigay sa Philippine Sports Commission. Higit na mababa umano kumpara sa ₱1.152 billion budget ngayong 2024.

"Paanong hindi magiging priority we do not even have a Department of Sports. So, wala man lang kasama sa Gabinete ng gobyerno. We just have a commission, which is also mapulitika, maraming alegasyon ng korupsiyon," saad ni Tolentino.

Dagdag pa niya: "Umaangat lamang, nababanggit lamang pag may naiuwing gold medal.”

Matatandaang noong 1987, sa bisa ng Executive Order No. 117 ni dating Pangulong Cory Aquino, ay nasa ilalim pa ng Department of Education (DepEd) ang sports na dati’y Department of Education, Culture, and Sports (DECS).

Pero noong Agosto 2001, sa pamamagitan ng Republic Act 9155 o Governance of Basic Education Act, tinanggal ang sports at culture sa DECS upang higit na mabigyang-tuon ng ahensya ang layunin nito sa batayang edukasyon.