Nagpaliwanag si Senate President Chiz Escudero hinggil sa nauna niyang pahayag ukol sa dami ng bilang ng mga holiday sa Pilipinas sa isang taon.
Matatandaang naging usap-usapan ang naging pahayag ni Escudero kamakailan kung saan plano umanong limitahan ang mga holiday sa Pilipinas sapagkat nagiging “less competitive” daw ang mga kompanya at manggagawa sa bansa.
"Kung 22 araw lang ang trabaho sa isang buwan, eh di parang may isang buong buwan na hindi nagtratrabaho ang manggagawa," ani Escudero. "Layunin lang namin na maging mas competitive ang Pilipinas.”
Samantala, inalmahan ng ilang mga grupo at indibidwal ang naturang pahayag ni Escudero, kabilang na si labor leader Leody de Guzman.
MAKI-BALITA: Ka Leody, pinuna ang panukalang bawasan ang mga holiday sa Pilipinas
Sa isa namang panayam sa DWIZ nitong Sabado, Agosto 10, na inulat ng Manila Bulletin, kinlaro ni Escudero na hindi naman umano babawasan ang mga holiday sa Pilipinas, bagkus ay hindi na lamang daw ito dadagdagan.
"Ang polisiya ng Senado ay huwag nang dagdagan, hindi naman bawasan," ani Escudero.
"Huwag nang dagdagan pa at i-rationalize na 'yan," saad pa niya.
Binanggit din ng Senate president na mahabang proseso kung aalisin ang mga nakasanayan nang holidays sa bansa, at hindi raw ito prayoridad ng Senado.
"Paano mo naman tatanggalin yung mga holiday na nakasanayan na? Mahabang proseso ‘yon. Hindi kakayanin ‘yan ng kasalukuyang Kongreso," saad ni Escudero.