November 24, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Ilang gurong reklamador, mahiya naman daw sa ibang manggagawa—Tito Mars

Ilang gurong reklamador, mahiya naman daw sa ibang manggagawa—Tito Mars
Photo courtesy: Tito Mars Official (FB)

Tila "tinalakan" ng social media personality na si Tito Mars ang ilang mga gurong dumadaing daw tungkol sa anim o higit pang oras ng pagtatrabaho kada araw, ayon sa isang balita.

Ginawan ng reaction video ni Tito Mars ang isang ulat ng "Frontline Tonight" sa TV5/News 5, kung saan, idinadaing umano ng ilang guro ang pagtuturo nila ng anim na oras o higit pa alinsunod sa ipinatutupad ng Department of Education (DepEd), dahil tila apektado na rin nito ang kanilang kalusugan.

"Gusto ata ng mga teacher halfday lang sila. Gusto ata ng mga teachers half-day lang trabaho nila..." mababasa sa caption ng kaniyang reaction video.

Giit ng social media personality, "nakakahiya" naman daw para sa ibang mga propesyunal at manggagawa ang mga gurong nagrereklamo sa anim na oras na pagtuturo, dahil sila nga raw ay hindi nagrereklamo sa haba o tagal ng kanilang duty, lalo na raw ang healthcare professionals.

Tsika at Intriga

MUPH, kinondena pang-ookray ng vlogger kay Chelsea Manalo

"Talaga ba? Anim na oras inirereklamo ng ilan sa inyo? Eh 'di mag-half day na lang kayo," ani Tito Mars. "Mag-four hours a day na lang kayo ng trabaho, hindi kayo nahiya? Hindi kayo nahiya sa ibang mga manggagawa lalong-lalo na sa mga healthcare workers na kung minsan umaabot ng 12 hours 'yong duty pero wala tayong naririnig? Wala tayong naririnig na pagrereklamo nang ganiyan?" aniya.

Giit pa ni Tito Mars, gusto na lang daw yata ng ilang guro na ilaan na lang ang oras ng trabaho nila sa paggawa ng content para sa social media, at i-video ang mga ginagawa nila sa loob ng paaralan, na nakikita ang mukha ng kanilang mga mag-aaral.

"Hindi ba dapat bilang mga guro, kayo po 'yong mas nakakaintindi sa mga manggagawa? Eh parang 6 hours, sobrang dami n'yo nang reklamo? Hindi n'yo ba naisip 'yong ibang mga tao diyan na higit 6 hours pa 'yong trabaho araw-araw? Mga medical professionals? Mga nagtatrabaho sa construction. Mga security guard? Mga call center agents? Hindi n'yo ba naiisip 'yong mga taong 'yon?"

Giit pa ni Tito Mars, hindi raw dapat ikatwiran na mahirap ang trabaho ng pagiging guro dahil wala naman daw madaling trabaho. Bukod pa rito, may benepisyo pa raw ang mga guro na wala sa ibang mga manggagawa kagaya na lamang ng sumusuweldo pa rin kapag vacation break at iba pa.

"My gosh, like hindi ko alam, pero ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng balita. Na 'yong mga guro mismo na dapat sila 'yong nagiging mabuting ehemplo sa mga mamamayan lalong-lalo na sa mga kabataan, eh sila pa 'yong medyo tatamad-tamad. Na parang ayaw magtrabaho, na parang gusto nila ibibigay na lang sa kanila 'yong benefits, na parang gusto nila four hours a day na lang sila magtatrabaho, pero 'yong benefits, 'yong suweldo, eh buo pa rin?"

"Eh para naman pong hindi na tama 'yan? Masyado n'yo naman pong inaabuso? Dati, hndi naman po ganiyan ang mga guro, wala pong gurong ganiyan dati. Pero ngayon, parang 6 hours, masyado na po kayong pagod na pagod? Hiyang-hiya naman po sa inyo 'yong mga nurse, 'yong iba pang mga taong nagtatrabaho sa healthcare workers natin dito sa Pilipinas. Diyos ko!" aniya pa.

MAKI-BALITA: Tito Mars, tinalakan mga gurong nagrereklamo sa haba ng oras ng trabaho

Matatandaang naging kontrobersiyal si Tito Mars dahil sa kaniyang eating challenge lalo na sa "pandidiri" niya sa pagkain ng sardinas.

MAKI-BALITA: Tito Mars: 'Di ko binabastos pagkain ng mahihirap!'

Matapos umani ng katakot-takot na batikos ay humingi ng paumanhin si Tito Mars at ipinaliwanag niyang kumakain talaga siya ng sardinas at ginawa lamang niya ang video para sa content.

MAKI-BALITA: Tito Mars, umamin kung bakit naging papansin sa social media