Nagpaabot ng mensahe si Unkabogable star Vice Ganda sa mga relihiyosong napopoot sa kapuwa dahil sa gender identity nito.
Sa isang episode kasi ng “It’s Showtime” noong Huwebes, Agosto 8, isiniwalat ng isang kalahok na nagngangalang “Ivan” sa segment na “EXpecially For You” na isa umano siyang gay.
Ayon kay Ivan, simula pagkabata ay dinededma raw niya ang internal struggle niya sa kaniyang sekswalidad dahil mula raw siya sa religious family.
“Syempre kapagka bading ka, diretso ka na do’n [sa impyerno]. Hanggang sa ‘yong childhood ko, hindi ko nakilala ‘yong sarili ko,” saad ni Ivan.
Dagdag pa niya: “Kailangan kong magtago kasi kung hindi baka kung ano gawin sa akin no’ng ibang relatives ko.”
Kaya panawagan ni Vice: “All religions are coming from love and empathy and compassion and kindness and respect. So, if your religion is teaching you otherwise, it’s about time to re-evaluate yourself and your faith.”
“Walang relihiyon na nagtuturo sa mga tao na magkaroon ng poot. ‘Dapat magalit ka sa kaniya. Magkaroon ka ng poot. Ay, ‘wag mo siyang tatanggapin. Dapat maging malupit ka sa kaniya.’ Anong relihiyon ‘yon? All religion are coming from love,” sabi pa niya.
Samantala, nagpahayag naman ng papuri ang Unkabogable star kay Ivan dahil natagpuan nito ang tapang na aminin kung ano ang katotohanan tungkol sa sarili nito.