Nagbigay ng pahayag ang labor leader na si Ka Leody De Guzman kaugnay sa panukala ni Senate President Chiz Escudero na bawasan ang mga holiday sa Pilipinas.
Sa Facebook post ni Ka Leody nitong Biyernes, Agosto 9, sinabi niya na tumatagas umano sa elitismo ang panukala ni Escudero sapagkat hindi nito alam ang buhay ng mga karaniwang tao.
“Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamalalang ‘work-life balance’ sa buong mundo. Ang mga employed ay nakukuba sa kakaobertaym para ihabol ang mababang sweldo,” lahad ni Ka Leody.
“Samantala, ang ekonomyang mahina ang agrikultura't industriya ay hindi nakakalikha ng istableng trabaho sa unemployed at sa underemployed,” aniya.
Paliwanag niya, sa mga piyesta opisyal umano pinipiling mag-overtime ng mga manggagawa upang magkaroon ng dagdag na kita. Ito rin umano ang pagkakataon upang sumigla ang komersyo dahil sa lokal na turismo.
Dagdag pa niya: “Hindi lamang para sa middle class kundi para sa mga manggagawang naglalaan ng panahon sa kanilang pamilya, mga kamag-anak, at mga kaibigan. Sa pangkaraniwan, ito rin ang panahon para ipagpahinga ang katawan at isipan ng mga empleyado mula sa sobrang pagtatrabaho.”
Kaya ang mungkahi ni Ka Leody, kung gusto raw talagang gawing competitive ni Escudero ang bansa sa mga mamumuhunan, ang kailangan umanong bawasan ay hindi ang mga holiday kundi ang presyo ang mga sumusunod: singil sa kuryente, presyo ng mga bilihin, korapsyon na dagdag gastusin sa mga nagnenegosyo, bilang ng mga pribadong sasakyang sanhi ng matinding trapik, halaga ng nasisira ng mga baha at mga climate-related disasters, at marami pang iba.
Sa ginanap kasing press briefing noong Miyerkules, Agosto 7, inilahad ni Escudero na nagkasunod umano ang senado na limitahan ang mga holiday sa Pilipinas sapagkat nagiging less competitive umano ang mga kompanya at manggagawa sa bansa.