Maraming netizens ang naaliw sa hirit ng premyadong aktor na si Edu Manzano tungkol sa floor exercises sa Olympics.
Sa isang X post kasi ni Edu noong Huwebes, Agosto 8, ibinahagi niya ang larawan ng isang bunot na nilakipan niya ng biro.
“Kung ‘eto ang naging Floor Exercises ng Olympics, baka 4 na gold medal ang makukuha ko,” saad ni Edu.
Pahabol pa niya: “35 years experience ako.”
Noong araw kasi, karaniwang ginagamit sa tahanan ng mga Pilipino ang makapal na balat ng niyog—na kung tawagin nga ay bunot—bilang panlinis upang kumintab ang sahig ng bahay na gawa sa kahoy.
Hind tuloy naiwasan ng mga netizen na magbahagi ng kani-kanilang alaala sa paggamit nito noong kabataan nila. Narito ang ilan sa kanilang komento:
"di ka makakalabas ng bahay para maglaro hanggat di ka tapos magbunot sa buong Bahay"
"Dapat po pala may commercial na kayo ng floor wax, Sir Edu. Expert na po kayo sa pagshine ng sahig"
" sa akin, seguro mga 10 medals. Simula elementary hanggang high school yan ang floor exercise ko, di pa kasali yung weight lifting (ng mga container ng tubig Kasi ako yung designated aguador ng family) "
"Kaya ko noon kahit dalawang bunot pa yan salitan ang paa sa floor exercise"
"Pina-experience ko yan sa millennial kong bunso, yan ang share nya sa gawaing bahay. Nasa 30's na sya ngaun at proud sya sa mga pamangkin nya na magaling sya magbunot ng sahig."
"Naubos ko yung Sweet Honesty na powder (yung galing sa Avon) ng mama ko kasi nilalagay ko sa sahig para mabilis kumintab. Pinagbabawal na technique na natutunan ko sa mga older siblings ko. Hahahaha"
"Semento na yung sahig namin but sa school is kahoy . Kailangan magbunot ng mga cleaners of the day. hello sa mga napulang medyas ko. Ang to all monday cleaners na monday pa lang ay hagard na "
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 68.3k views, 222 reposts, at 2.5k liks ang post ni Edu.
Ikaw, ka-Balita, may alaala ka bang nais ibahagi tungkol sa pagbubunot?