Inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Agosto 8, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, sa kasalukuyan ay patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Tropical Storm Maria sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), kung saan huli raw itong namataan 2,230 kilometro ang layo sa east northeast ng Extreme Northern Luzon.
Maliit naman daw ang tsansang pumasok sa loob ng PAR ang naturang bagyo, at wala itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.