Napabalita kamakailan na kinuha ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ang American attorney na nagpanalo sa defamation case ni American actor at musician Johnny Depp na si Camille Vasquez para sa pagsasampa niya ng kaso sa vlogger na si Claire Contreras o mas kilala bilang Maharlika.
Ngunit, sino nga ba si Camille Vasquez at nasa magkano kaya ang ginastos ni Johnny Depp nang maging abogado niya ito?
Ayon sa mga ulat, nagmula si Vasquez, 40, sa California. Nagtapos daw siya ng Bachelor of Arts degree in political science and communications sa University of Southern California bilang magna cum laude. Nakuha naman niya ang kaniyang Juris Doctor sa Southwestern Law School.
Bago maging abogado ng Brown Rudnick firm, naging attorney muna si Vasquez sa national firm sa Los Angeles, California.
Naging sikat si Vasquez matapos niyang maipanalo ang kaso ni Depp noong 2022 nang magsampa ito ng defamation case laban sa dating asawang si Amber Heard na nagsulat umano ng isang op-ed noong 2018 sa Washington Post tungkol sa akusasyon ng domestic violence. Dahil dito, nagbigay raw ang jury kay Depp ng $10 million sa compensatory damages at $5 million sa punitive damages dahil sa 2018 Washington Post op-ed ni Heard. Nasa $10.35 million naman umano ang natanggap ng American actor dahil sa Virginia state law na nilimitahan ang punitive damages sa $350,000.
Samantala, bagama’t hindi isiniwalat ang halaga ng ginugol ni Depp para maging abogado si Vasquez nang mga panahong iyon noong 2022, iniulat ng US-based newspaper na Newsweek na base sa pagtantya ng isang abogado sa Arora Law Trial Attorneys, tinatayang $600 o halos ₱35,000 kada oras ang maaaring ibinayad ni Depp sa bawat abogado niya, tulad ni Vasquez.
Kaugnay nito, matapos maipanalo ang kaso ni Depp ay tiyak umanong mas tumaas pa ang halaga ng serbisyo ni Vasquez, lalo na’t mas naging sikat siya at tumaas ang kaniyang kridibilidad bilang isang abogado.
Na-promote din si Vasquez sa kaniyang firm na Brown Rudnick at naging partner na siya ng kanilang Litigation & Arbitration Practice Group.
Mula ngayong 2024, nasa $3 milyon umano ang net worth niya.
Bukod kay Depp, naging abogado na rin si Vasquez ng ibang Hollywood celebrities, kabilang na sina Leonardo DiCaprio, Ben Affleck, at Jennifer Lopez.
Sa ngayon ay nakatuon daw si Vasquez sa plaintiff-side defamation suits, bagay na may kinalaman naman sa dahilan ng pagkaso ni Robles sa vlogger na si Maharlika.
Noong Agosto 4 nang sampahan ni Robles si Maharlika ng kasong defamation at invasion of privacy complaints sa Central District Court of California sa Amerika, kung saan umano residente ang vlogger.
Giit ni Robles, dinungisan umano ni Maharlika ang kaniyang pangalan at maging ang pangalan ng kaniyang pamilya dahil daw sa mga akusyasyong ibinabato nito tulad ng contract killing at pagtulong sa mga terorista para makapagnakaw sa sambayanang Pilipino.