Nagbigay ng pahayag ang Filipina boxer na si Aira Villegas matapos niyang masungkit ang tansong medalya sa ginaganap na 2024 Paris Olympics.
Sa panayam ng One Sports nitong Miyerkules, Agosto 7, sinabi ni Aira na hindi naman umano siya dismayado sa resulta ng laban dahil alam niyang ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya.
“Hindi naman po ako super disappointed kasi ginawa ko ‘yong best ko. Talagang napag-aralan [ako]. Aminado po magaling po talaga siya [Buse Naz Çakıroğlu],” saad ni Aira.
Dagdag pa niya: “Sa lahat po ng Pilipino na, again, napuyat. I’m sorry, guys. Nakapag-uwi po ako ng medal. Sana po proud pa rin kayo sa akin.”
Ayon kay Villegas, ito raw ang pangalawang beses na nakaharap niya si Buse. Pero sa susunod na muli silang magharap, kailangan na raw talaga niyang bumawi.
“Hindi naman pwedeng mag-3-0, e,” aniya.
Sa kasalukuyan, may tatlong medalya na ang Pilipinas sa 2024 Paris Olympics. Dalawang ginto mula kay Filipino gymnast Carlos Yulo at isang tanso mula naman kay Villegas.
MAKI-BALITA: Aira Villegas, nasungkit ang bronze medal sa women's boxing ng Olympics