Bigo si Filipina boxer Aira Villegas sa kaniyang laban kontra kay Turkish Naz Buse Cakiroglu sa women's 50kg semifinals sa naganap na sagupaan sa boxing ring nitong Martes ng gabi, Agosto 6, kaugnay pa rin ng 2024 Paris Olympics.
Unanimous decision ang naging resulta ng laban na pumabor kay Cakiroglu, kaya bronze medal ang iuuwi ni Villegas para sa Pilipinas, dagdag sa dalawang gold medals ni Filipino gymnast Carlos Yulo.
Makakaharap ni Cakiroglu ang pambato ng China na si Wu Yu sa darating na Biyernes, Agosto 9. Si Wu naman, nagapi ang kalabang si Nazym Kyzaibay ng Kazakhstan sa kanilang pagtutuos sa semifinals.
Si Villegas ay bagito pa lamang sa Olympics kaya naman marami ang bumilib sa ipinakita niyang tapang at bangis sa boxing ring, matapos mag-uwi ng bronze medal.
Nagpaabot na rin ng pagbati sa kaniya ang Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa kaniyang Olympic debut ay may medalya siya.
"The whole nation celebrates this milestone with you, Aira! Salamat sa pagpapakitang tunay na #BidaAngBayaningManlalaro!" anila.