Bukod sa lima pang menor de edad, hindi rin nakaligtas ang dalawang buwang sanggol na mabiktima ng sexual trafficking. Ang isa sa mga suspek umano ay ang kaniyang sariling ina.
Sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes, Agosto 6, nagsagawa entrapment operation ang NBI-Violence Agains Women and Children Division at nagsilbi ng warrant "to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD)" sa Caloocan City laban sa dalawang babaeng suspek noong Agosto 2.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, nakatanggap sila ng impormasyon na ang dalawang suspek ay tinuturuan umano ang mga biktima na magsagawa ng pornographic acts sa harap ng camera kapalit umano ng pera.
Sa naturang operasyon ng NBI-VAWCD, naaresto ang mga suspek at na-rescue ang anim na biktimang may edad 14 (lalaki at babae), 10-anyos (babae), 7-anyos (babae), 2-anyos (babae), kabilang ang dalawang buwang sanggol na babae rin.
Pahayag ng NBI na ayon sa kanilang medical legal doctors, nakitaan ng "fresh and old abrasions" sa mga pribadong bahagi ng katawan ang mga babaeng biktima.
Sa ulat ng 24 Oras, ang dalawang suspek na naaresto ay ina at tiyahin umano ng mga biktima.
Inamin umano ng ina ng mga biktima ang krimen ngunit itinanggi ng kapatid niya ang alegasyon.
“Hindi ko po alam na may kausap po sila na ganun… Nag-hello lang naman po ako [sa video call], 'yun lang naman po ginawa ko. Wala naman po akong sinabing iba,” saad ng kapatid.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kasong "multiple counts of Violation of Online Sexual Abuse of Exploitation of Children (OSAEC) o Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) sa ilalim ng RA 11930, Qualified Trafficking under RA9208 as amended by RA11862, Child Abuse law under RA7610 and Rape by sexual assaults under RA 8353 as amended."