December 22, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Umano'y sexual harassment kay Sandro Muhlach, iimbestigahan ng Senado

Umano'y sexual harassment kay Sandro Muhlach, iimbestigahan ng Senado
Photos courtesy: Sen. Robin Padilla (Senate PRIB) at Sandro Muhlach/IG

Umabot na umano sa Senado ang tungkol sa umano'y pangmomolestya kay Sandro Muhlach ng dalawang independent contractors ng GMA Network.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on public information and mass media, na pinamumunuan ni Senador Robinhood Padilla, sa insidenteng nangyari kay Sandro. 

Bagaman walang binanggit na pangalan si Padilla sa kaniyang privilege speech nitong Lunes, Agosto 5, ngunit pinaniniwalaan na ito ay patungkol kay Sandro at sa dalawang manggagawa ng GMA Network. 

"Hindi magaan para sa isang mass media network ang masabit sa iskandalo. Lalo't may kinalaman sa paglabag sa karapatan ng tao. Ang isyu na kinasangkutan ng ating hinahangaan at sinasaluduhan at atin pong mother studio, ang network ng GMA-7, ay kinakailangan pong nila malinawan kung ano po itong iskandalo na kanilang kinabibilangan," ani Padilla sa kaniyang privilege speech nitong Lunes, Agosto 5.

Tsika at Intriga

Dennis Trillo, nagsalita na sa inisyung 'May ABS pa ba?'

"Hindi maaaring mamatay ang isyu na kinasasangkutan ng walang malinaw na pagpapaliwanag sa komite ng mass media. Dahil ito po ay obligasyon ng bawat mass media network bilang sila ang pinagkakatiwalaan ng marami nating kababayan," dagdag pa niya.

Pagtatapos ng senador: "Hindi po natin sinasabi na may sabit dito ang GMA-7. Hindi po. Ang sinasabi po natin dito kailangan magkaroon ng malinaw, malinaw na pagpapaliwanag sa komite ng mass media ang naganap na ito sapagkat ito po ay public information."

Samantala, sa ulat ng PEP, imbitado umano sa pagdinig sina Sandro at dalawang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard "Dode" Cruz. Pero hindi pa raw kinukumpirma ang kanilang pagdalo. 

Dagdag pa ng PEP, "Imbitado rin sa senate inquiry ang executives ng GMA Network at Sparkle GMA Artists Center, ang legal representative na si Atty. Angelo Diokno, ang GMA Labor Relations manager na si Atty. Fidel Asuncion, at ang HR representative na si Fidel Asuncion. Inimbitahan din ang mga tauhan ng National Bureau Investigation dahil dito nagsampa ng reklamo si Sandro."