Nagbigay ng reaksiyon ang labor leader na si Ka Leody De Guzman sa ginaganap na 2024 Paris Olympics matapos masungkit ni Filipino gymnast Carlo Yulo ang dalawang gintong medalya.
Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Agosto 6, pinasalamatan ni De Guzman si Yulo sa iniuwi nitong karangalan para sa Pilipinas.
Kaya naman nanawagan siya ng materyal na suporta mula sa gobyerno upang dumami pa ang mga tulad ni Yulo na mamayagpag sa mga pandaigdigang kompetisyon.
“Mamuhunan tayo sa kabataan. Mula sa early childhood care, holistic education, at sa masustansyang pagkain, upang lumabas ang kanilang potensyal, hindi lang bilang atleta kundi bilang eksepsyunal na mamamayan ng ating bayan,” saad ni De Guzman.
“Magandang ehemplo ang bansang Cuba. Ang pag-unlad ay sinusukat nila sa kalidad ng buhay ng kanilang mamamayan (hindi lang ‘economic growth’ at GDP growth rate). Namuhunan sila sa edukasyon, kalusugan, at mga batayang pangangailangan. Kaya’t kahit maliit lamang ng ekonomya’t bansa ay palagiang naipapamalas nila ang kanilang likas na talento’t talino, pati sa isports,” aniya.
Dagdag pa niya: “Saan ito kukunin? Sa ‘wealth tax’ sa mga bilyonaryo. Kung ayaw ng mga korporasyon na akusahan bilang “marketing stunt” ang kanilang milyon-milyong pabuya kay Caloy Yulo, pangunahan nila ang pamumuhunan sa mga panlipunang serbisyo.”
Bukod dito, iminungkahi rin ni De Guzman na bawasan na umano ang confidential funds na ang nakikinabang lang umano ay mga ang mga “elitistang trapo’t dinastiya.”