Nagsalita na ang ina ni two-time Olympics gold medalist Carlos Yulo na si Angelica Yulo patungkol sa isyung kumakalat patungkol sa tampuhan nila ng anak, na nag-ugat daw sa usaping pera.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo ng "24 Oras" sa GMA Network, inamin niyang may tampo siya sa anak dahil sa mga nabanggit ni Caloy kaugnay sa usaping pera.
"'Yong tungkol sa perang ninakaw ko, nilustay, winaldas sa luho ko, sinabi ko sa kanila na walang halong katotohanan lahat, so kung sa ano ni Caloy, kung sa perception niya ay meron, sabi ko nga sa kaniya willing akong maglabas ng mga evidences, ng mga deposit slips, na meron ako ngayon," tila emosyunal na pahayag ni Angelica.
Inamin ng ina na totoong masama ang loob niya sa sariling anak dahil sa mga umano'y paratang na ito.
"Masama ang loob ko, parang siyempre no, nando'n 'yong pain eh. Na parang sabihan ka ng anak mo na magnanakaw, na parang gusto kong sabihin, 'Asan 'yong ninakaw?' Na parang gano'n pa rin naman kami, tulad ng dati, noong hindi pa siya nagkakapera. Noong nagkapera siya, walang nagbago sa lifestyle namin," dagdag pa.
Kahit na may tampo, sinabi ni Angelica na masaya siya sa tagumpay na tinatamasa ngayon ng anak.
"Pangarap niya 'yan eh. So sabi ko nga, no'ng nag-uusap kami, kung manalo siya good for him. Nag-paid off lahat ng mga sacrifices niya."
Natanong din kung magkakaayos pa sila ni Caloy. Aniya, "Depende 'yan eh. Kasi kung ako 'yong lalapit, hindi ko talaga gagawin. Especially now sa mga nangyayari, baka mamaya [sabihan] ako na porket nanalo, na parang 'di ba, o after kami sa pera kasi nanalo... No," aniya.
Matatandaang sa isa pang panayam sa isang estasyon ng radyo, sinabi rin ni Angelica na ang isa pa sa mga pinag-awayan nila ng anak ay dahil sa isang "babae," na ang tinutukoy umano ay si Chloe San Jose, kasintahan ni Carlos.
Bagay na pinalagan naman ni Chloe sa pamamagitan ng isang cryptic Facebook post.
Wala pa raw tugon, reaksiyon, o pahayag si Carlos patungkol sa mga pahayag ng ina.
MAKI-BALITA: Mudra ni Carlos Yulo, aminadong may tampo pero masaya sa tagumpay ng anak