November 22, 2024

Home SHOWBIZ Pelikula

GMA Producer sa kanselasyon ng screening ng 'Lost Sabungeros' sa Cinemalaya: 'Hindi na malaya'

GMA Producer sa kanselasyon ng screening ng 'Lost Sabungeros' sa Cinemalaya: 'Hindi na malaya'
Photos courtesy: Lee Joseph Marquez Castel/FB and GMA Public Affairs/FB screenshot

Naglabas ng saloobin ang isa mga producer ng 'Lost Sabungeros' kaugnay sa kanselasyon ng screening ng naturang docu-film sa Cinemalaya tungkol sa mahigit 30 sabungeros na nawawala sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.

Matatandaang kinansela ng Cinemalaya ang screening ng 'Lost Sabungeros' dahil umano sa "security concerns." 

Kaugnay nito naglabas ng saloobin ang isa mga producer ng 'Lost Sabungeros' na si Lee Joseph Marquez Castel sa pamamagitan ng Facebook post. 

"Lahat ng banta, dapat sineseryoso.Pero ang hindi pagtuloy sa screening ng Lost Sabungeros sa Cinemalaya ay pagkapanalo ng inihahasik na takot," saad ni Castel.

Pelikula

Pelikula nina Zanjoe, Daniel made-delay?

Aniya, halos dalawang taon nilang binuo ang docu-film at "tinanggap na bahagi nito ang panganib."

"Ngunit sinuong ng produksyon ang peligro, para siyasatin ang pagkawala ng mahigit tatlumpung mga sabungero."

"Dahil bilang mga mamamahayag, at kahit bilang mga ordinaryong tao, hindi natin dapat tinatanggap na bigla na lang may mga misteryosong naglalaho.

"Ipikit mo lang ang iyong mga mata at isipin mong sa susunod na tilaok ng manok hindi mo na makikita ang mahal o pamilya mo, anong mararamdaman mo?

"Sa hindi pagtuloy ng Lost Sabungeros sa Cinemalaya, sino nga ba ang tunay na pinrotektahan mula sa mga banta? Sino nga ba ang totoong nailigtas sa anumang isisiwalat ng dokyu?

"Cinemalaya Independent Film Festival. Hindi na malaya. Hindi na rin independent.

"Sa sabong ng mga makapangyarihan, biktima pa rin ang mga walang boses na patuloy na nanghihingi ng katarungan," paghahayag ni Castel. 

Iikot ang kwento 'Lost Sabungeros' sa mga nawawalang sabungero dalawang taon ang nakaraan.

Ito ang kauna-unahang investigative docu-film ng GMA Public Affairs at GMA Pictures sa direksyon ni Bryan Brazil.

"HUSTISYA PARA SA LAHAT! LALABAN TAYO! Dalawang taon na ang lumipas mula nang mawala ang mahigit 30 sabungero sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Pero hanggang ngayon, wala ni isa sa mga nawala ang natagpuan," saad ng GMA Public Affairs nang ipost nila ang full trailer ng Lost Sabungeros.

"Nasaan na nga ba ang mga nawawalang sabungero? Sino nga ba ang nasa likod ng kanilang pagkawala?" dagdag pa nito.