Matapos makakuha ng dalawang ginto si Carlos Yulo sa Paris Olympics, nanawagan si Mamamayang Liberal (ML) President Teodoro Baguilat, Jr. sa pamahalaan na kilalanin at suportahan ang mga atletang Pilipino sa panahon na nangangailangan sila at hindi lamang daw kapag nakuha na nila ang pagkapanalo.
Nito lamang Sabado, Agosto 3, nang masungkit ni Yulo ang kauna-unahang ginto sa Olympics nang manguna siya sa floor exercise ng men's artistic gymnastics sa puntos na 15.000.
Kinagabihan nitong Linggo, Agosto 4, sumabak din ang Pinoy gymnast sa vault finals naman ng men's artistic gymnastics kung saan nakuha rin niya ang ginto matapos makakuha ng 15.116 puntos.
BASAHIN: The Golden Boy: Si Carlos Yulo at kaniyang dalawang gintong medalya
Kaugnay nito, sa isang pahayag ni Baguilat nitong Lunes, Agosto 5, ipinaabot ng ML ang kanilang pagbati kay Yulo at sa lahat daw ng mga atletang Pinoy na bahagi ng koponan ng Pilipinas sa Paris Olympics.
“Muli na namang napatunayan na kapag nabigyan ng pagkakataon, kayang-kaya ng Pilipino na makipagsabayan sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo,” ani Baguilat.
Kaugnay nito, iginiit ni Baguilat na dapat sinusuportahan ng pamahalaan ang mga atletang Pilipino tuwing naghahanda pa lamang sila sa laban upang maipalabas daw ang kanilang mga potensyal.
“Hindi namin maiwasan ang magtanong: Ilang Carlos Yulo at Hidilyn Diaz pa kaya ang matatagpuan sa mga nakatagong bahagi ng ating mga lungsod at liblib na probinsiya?” saad ni Baguilat.
“Nananawagan kami: Ibigay ang pagkilala at suporta sa ating mga atleta sa panahong pinakakailangan nila, at hindi lamang kapag nakuha na nila ang medalya,” dagdag pa niya.