November 06, 2024

Home FEATURES

ALAMIN: Pagkakaiba ng 'history' at 'kasaysayan'

ALAMIN: Pagkakaiba ng 'history' at 'kasaysayan'
Photo Courtesy: Freepik, Ralph Mendoza (Balita/File Photo)

Bukod sa Buwan ng Wika, Buwan din ng Kasaysayan ang Agosto. Sa bisa ng Presidential Proclamation No.339 series of 2012 ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III, naging Buwan ng Kasaysayan ang noo’y Linggo ng Kasaysayan na ipinagdiriwang tuwing Setyembre 15 hanggang 21. 

Kaya naman, mahalagang simulan ang pagdiriwang nito sa pamamagitan ng pagtukoy kung ano ba ang pinagkaiba ng salitang “kasaysayan” sa salin nitong “history” sa Ingles.

Sa ginanap na Atimonan Book Fair noong Linggo, Agosto 4, sa Bulwagang Balagtas, Atimonan, Quezon, ipinaliwanag ng public historian na si Dr. Xiao Chua sa kaniyang talk ang pagkakaiba ng dalawang nabanggit na salita.

“Ayon sa dakilang Zeus Salazar,” panimula ni Chua, “magkaiba ‘yan. Anong kaibahan? Galing sa kanluran ang ‘history.’ Ang ibig sabihin no’n, written records of past events.”

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Pagpapatuloy pa niya: “Ang problema, lahat ba ay nakakapagsulat? Sino lang ang sumulat ng kasaysayan? ‘Yong may pera. Dahil sila lang ‘yong nag-aral at marunong sumulat. Ang nangyayari, ang history natin ay laging para sa mayaman, para sa makapangyarihan.”

Samantala, ang “kasaysayan” naman daw ay mga kuwento o salaysay na may kahulugan, katuturan, kabuluhan, at kahalagahan.

“Ibig sabihin, hindi kailangan na nakasulat ang kasaysayan. Maaaring ito ay pasalita [...] Dahil ang mga Pilipino, sa matagal na panahon, nagsasalita sila o nagsasalaysay sila ng kasaysayan sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon,” saad ni Chua.

Pero paglilinaw niya, bagama’t magkaiba ang kahulugan ng dalawang nabanggit na salita, maaari pa rin naman daw gamitin ang “history” bilang katumbas na salin ng “kasaysayan” sa Ingles.

Ayon sa kaniya: “Hindi magbabago na ‘history’ ang katumbas ng ‘kasaysayan.’ Kailangan lang nating makita na ang bawat depinisyon ay may kontekstong kultural. "

“Bakit ang history ay written records of past events sa west? Kasi una pa lang, writing society na talaga sila. Tayo talaga, kuwento talaga, oral society talaga ang mga Pinoy,” dugtong pa ni Chua.