January 23, 2025

Home SHOWBIZ

Lily Monteverde, pumanaw halos isang linggo matapos sumakabilang-buhay ang mister

Lily Monteverde, pumanaw halos isang linggo matapos sumakabilang-buhay ang mister
Photo courtesy: Lily Monteverde (IG)/via GMA News

Matapos pumanaw ang kaniyang mister na si Remy Monteverde noong Hulyo 29, sumunod naman sa kaniya si Mother Lily Monteverde na itinuturing na matriyarka ng Regal Entertainment, ngayong Linggo, Agosto 4. 

Nakapag-post pa si Mother Lily tungkol dito sa kaniyang Instagram post noong Hulyo 30, 2024. Si Remy ay dating basketball player at kilala sa tawag na "Father Remy" sa industriya ng pelikula dahil nga sa pagiging asawa ni Mother Lily. Alam ng lahat kung gaano ka-sweet sa isa't isa ang dalawa. 

Nitong araw ng Linggo, Agosto 4, kinumpirma ng anak ni Mother Lily sa GMA News na si Goldwin Monteverde na pumanaw na ang kanilang ina ngayong araw, sa edad na 85. Hindi binanggit sa ulat kung ano ang dahilan ng pagkamatay. 

Si Mother Lily ay itinuturing na "matriarch" ng Philippine movie dahil sa dami ng mga de-kalidad na pelikulang na-produce ng kaniyang movie outfit na Regal Films/Entertainment kagaya na lamang ng "Mano Po," "Shake, Rattle, and Roll," "Scorpio Nights," at marami pang iba. 

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Pinarangalan din siya bilang "Ina ng Pelikulang Pilipino" noong 2017 at Lifetime Achievement Award noong 2023 ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) dahil sa kaniyang ambag sa pelikulang Pilipino. 

Marami sa mga batikang artista ngayon ang tumitingala sa kaniya dahil sa naging kontribusyon niya sa kanilang career kagaya nina Gabby Concepcion, Albert Martinez, Alma Moreno, Snooky Serna, Maricel Soriano, at iba pa.