Tila tribute pala ng aktor na si Epy Quizon sa ama niyang si Dolphy ang karakter niya sa historical-drama series ng GMA Network na “Pulang Araw.”
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, ibinahagi ni Epy na walang pag-aalinlangan daw niyang tinanggap ang proyekto nang makita niya ito.
“How can I say no to a vaudeville actor during World War II. Which [is] kuwento ng tatay ko 'yan sa akin. When I saw it, I am in," lahad ni Epy.
Ginagampanan ni Epy sa naturang serye ang karakter ni “Julio Borromeo,” isang vaudeville actor at asawa ng karakter ni Angelu de Leon na si “Carmen.”
Gayunman, agad na nagpasubali si Epy na huwag daw sana siyang ikumpara sa tatay niya pagsayaw dahil ‘di hamak na mas mahusay ito kumpara sa kaniya.
“Nakakatakot kasi alam kong ikukumpara ako sa tatay ko. Ngayon pa lang sinasabi ko sa inyo, huwag n’yo akong ikompara, napakagaling no'n,” aniya.
Samantala, ibinahagi rin ng aktor kung bakit mahalagang malaman ng bawat Pilipino ang kuwento ng “Pulang Araw.”
“We have to look back to our past for us to move forward. Pulang Araw shows a glimpse of history of what happened pre-war and during the war,” wika ni Epy.
Matatandaang pinag-usapan kamakailan ng mga netizen ang nasabing historical-drama series matapos ilabas ng GMA Network ang 11 minutes trailer nito.
MAKI-BALITA: 'Tumataas balahibo ko!' Trailer ng 'Pulang Araw,' pinag-uusapan