Iginiit ni House Deputy Majority Leader ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na kung makikilala nang lubusan si House Speaker Martin Romualdez, makikita raw na mayroon itong puso para sa mga Pilipino kahit siya ay napabibilang sa mayamang pamilya.
Sa isa sa mga side event ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Tacloban City nitong Biyernes, Agosto 2, na inulat ng Manila Bulletin, binanggit ni Tulfo na para raw sa ilang mga indibidwal, parang mahirap lapitan si Romualdez dahil ito ay anak-mayaman.
Ngunit, aniya, hindi naman umano kasalanan ng House leader na pinanganak siyang mayaman, at kung makikilala raw nila ito nang lubusan ay malalaman nilang may puso ito para sa mga Pilipino.
"Hindi naman po niya kasalanan kung pinanganak po siya talagang mayaman na," ani Tulfo.
"Kung makikilala lamang po ninyo ang atin pong Speaker, may puso po.”
"Kung kaya kung kayo po ay naniniwala po sa aming magkakapatid na Tulfo na matulungin, Ganun din po ang puso ng inyo pong mambabatas, ng inyong Speaker," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, naghayag din ng pasasalamat si Tulfo para kay Romualdez, at sinabing huwag daw sana itong magsawang tumulong sa mga Pinoy.
"Mr. Speaker, maraming, maraming salamat po, huwag po kayong magbabago at tuloy-tuloy po ang pagtulong sa inyong mga kababayan,” saad ni Tulfo.