November 23, 2024

Home BALITA National

Pagkakaroon ng alkaldeng Chinese national, nakakakilabot—Hontiveros

Pagkakaroon ng alkaldeng Chinese national, nakakakilabot—Hontiveros
photos courtesy: Sen. Risa Hontiveros/FB

Hindi na raw ikinagulat ni Senador Risa Hontiveros na iisa ang fingerprint nina Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Guo Hua Ping sa Comelec record. 

Nauna na raw kasing napatunayan ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisang tao lang si Guo at Guo Hua Ping.

Matatandaang noong Hunyo 27, 2024 nang ianunsyo ni Hontiveros na kinumpirma na ng NBI na nag-match ang fingerprints ni Guo at ng nabanggit niyang Chinese national na “Guo Hua Ping.”

MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

At nito lang Huwebes, Agosto 1, kinumpirma ng Comelec na iisa lang ang fingerprint ng dalawang indibidwal. 

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Agosto 2, sinabi ni Hontiveros na hindi na siya nagulat sa kumpirmasyon ng Comelec.

"Hindi naman na nakakagulat na iisa ang fingerprint ni Guo Hua Ping at Mayor Alice Guo sa Comelec records. Napatunayan na nga ng NBI na iisang tao lang sila," anang senadora.

Gayunpaman, nakakakilabot daw na may Chinese national na naging alkalde sa bansa.

 "Nakakakilabot pa rin na may Chinese national na naging alkalde ng isang bayan sa Pilipinas. This also affirms the various lapses in the laws and regulations of many institutional systems, from the PSA to the Comelec. Kaya patuloy ang aming hearing sa Senado para matugunan ang mga pagkukulang na ito," pahayag ni Hontiveros.

Nanawagan din ang senadora kay Guo na magpakita na

"Patuloy din ang ating panawagan kay Guo Hua Ping na kusa nang magpakita. Hindi matatahimik ang buhay niya sa patuloy na pag-iwas sa Senado."

Noong Hulyo 13, naglabas na ang Senado ng arrest order laban kay Guo. Ito ay bunsod ng hindi niya pagdalo sa mga pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024.

BASAHIN: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo

Samantala, kahit na hindi nagpapakita, kasalukuyan pa ring nasa Pilipinas si Guo, ayon kay Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Jose Dominic Clavano IV.