Usap-usapan ngayon sa social media ang pagkatalo ng Italian female boxer na si Angela Carini laban sa umano'y 'biological male' Algerian boxer na si Imane Khelif sa Paris Olympics 2024.
Ayon sa ulat ng Associated Press (AP), naganap ang laban nina Carini at Khelif nitong Huwebes, Agosto 1.
Nanalo si Khelif nang sumuko umano si Carini sa loob lamang ng 46 segundo.
Nagpalitan lamang sila ng ilang suntok bago sumuko si Carini at tinalikuran ang laban. Ito raw ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari sa Olympic boxing.
Dagdag pa ng ulat, na-disqualify si Khelif sa 2023 world championships matapos mabigo sa isang unspecified gender eligibility test, at ang kaniyang presensya sa Paris Olympics ay naging isang divisive issue.
Si Khelif ay isang 'accomplished amateur' na nanalo ng silver medal sa 2022 world championship ng International Boxing Association. Ang parehong governing body ay nag-disqualify sa kaniya mula sa world championship noong 2023 bago ang kaniyang gold-medal match dahil sa umano'y isyu tungkol sa "elevated levels of testosterone."
Samantala, naghayag ng saloobin si Carini tungkol sa naging laban nila ng Algerian boxer.
“I felt a severe pain in my nose, and with the maturity of a boxer, I said ‘enough,’ because I didn’t want to, I didn’t want to, I couldn’t finish the match,” saad ni Carini.
Paliwanag pa ng Italian boxer, hindi raw siya kwalipikadong magpasya kung dapat payagan si Khelif na lumaban, ngunit aniya wala siyang problema sa pakikipaglaban sa kaniya.
“I am not here to judge or pass judgment. If an athlete is this way, and in that sense it’s not right or it is right, it’s not up to me to decide. I just did my job as a boxer. I got into the ring and fought. I did it with my head held high and with a broken heart for not having finished the last kilometer," ani Carini.
Trending ngayon sa X si Khelif dahil maraming nagsasabi na "unfair" ang naging laban nila ni Carini. Gayunman, may mga nagsasabi rin na tunay na babae si Khelif.
Samantala, naglabas ng pahayag ang International Olympics Committee (IOC) tungkol sa isyu.
"Every person has the right to practise sport without discrimination," anang IOC.
Nilinaw ng komite na lahat ng mga atletang kalahok sa boxing tournament sa Paris Olympics ay nag-comply sa "eligibility and entry regulations" ng kompetisyon.
"All athletes participating in the boxing tournament of the Olympic Games Paris 2024 comply with the competition’s eligibility and entry regulations, as well as all applicable medical regulations set by the Paris 2024 Boxing Unit (PBU)," saad ng IOC.
Dagdag pa nila: "As with previous Olympic boxing competitions, the gender and age of the athletes are based on their passport."