“Para sa lipunang tunay na malaya.”
Ipinahayag ni dating Vice President Leni Robredo na mahalagang manalo sa 2025 midterm elections ang mga matitino, mahuhusay, tapat, at maaasahang kandidato na makakasama at magiging kakampi raw ni Senador Risa Hontiveros sa Senado.
Sinabi ito ni Robredo sa kaniyang solidarity speech sa isinagawang 9th National Congress ng Akbayan sa Palacio De Maynila nitong Huwebes, Agosto 1.
"Ang imperative sa atin, madagdagan ang mga kasama ni Senator Risa sa Senado, magkaroon ng mas maraming kakampi sa lokal, itanim sa diwa ng lipunan ang buod ng ating ipinaglalaban,” ani Robredo.
“At simulan 'yan sa paghahalal ng mga pinunong matitino, mahuhusay, tapat, at maaasahan," dagdag niya.
Binanggit din ni Robredo na malaki na ang naging ambag ng Akbayan sa mga Pilipino, ngunit hindi pa raw natatapos ang kanilang laban para sa bansa.
“Sisimulan natin ‘yan ngayong 2025. Excited na ako sa mga laban na maipapanalo natin. At sa patuloy nating pagkakaisa para sa Pilipinas na pinamumunuan ng tapat, mahusay, at may puso,” saad ni Robredo.
“Para sa isang lipunan na tunay na maunlad at malaya.”
Nito lamang ding Huwebes ay inihayag ng Akbayan na tinitingnan na nila sina dating Senador Kiko Pangilinan, dating Senador Bam Aquino at human rights lawyer Chel Diokno bilang kanilang Senate bets sa 2025.
Kaugnay nito, matatandaang inihayag kamakailan ni dating Senador Leila de Lima na tatakbo sina Pangilinan, Aquino at Diokno sa pagka-senador sa 2025 elections. Ngunit habang sinusulat ito’y si Aquino pa lamang ang opisyal na nag-anunsyo ng kaniyang senatorial bid.
MAKI-BALITA: Bam Aquino, tatakbong senador sa 2025: 'Naghahanda na kami'
Samantala, matatandaan ding inanunsyo ni Robredo kamakailan na tatakbo siya bilang alkalde ng Naga City sa susunod na eleksyon.
MAKI-BALITA: Robredo, ipinaliwanag dahilan ng hindi niya pagtakbo bilang senador sa 2025