Nanawagan si dating Senador Kiko Pangilinan sa mga Pilipinong huwag nang maghalal ng mga "magnanakaw, sinungaling, mandarambong at mamamatay tao" sa 2025 midterm elections upang masolusyunan daw ang mga problema ng bansa sa kasalukuyan.
Sinabi ito ni Pangilinan nang dumalo siya sa isinagawang 9th National Congress ng Akbayan sa Palacio De Maynila nitong Huwebes, Agosto 1.
“Ano nga ba ang magiging solusyon sa problema ng bansa sa kasalukuyan? Simple lang. Huwag na tayong magluklok ng mga magnanakaw, ng mga sinungaling, mga mandarambong, mga mamamatay tao,” giit ni Pangilinan.
“Simple lang ‘di ba? Hindi madaling gawin. Pero at least maliwanag na ‘yun ang solusyon,” saad pa niya.
Isa si Pangilinan sa mga dumalo sa National Congress ng Akbayan, na naglalayong naglalayong igiit ang positioning nito bilang “primary opposition political party” sa bansa, sa gitna raw ng paksyon ng Marcos-Duterte.
Samantala, matatandaang inihayag kamakailan ni dating Senador Leila de Lima na tatakbo si Pangilinan, maging sina dating Senador Bam Aquino at human rights lawyer Chel Diokno, sa pagka-senador sa 2025 elections bilang miyembro ng oposisyon. Ngunit habang sinusulat ito’y si Aquino pa lamang ang opisyal na nag-anunsyo ng kaniyang senatorial bid.
MAKI-BALITA: Bam Aquino, tatakbong senador sa 2025: 'Naghahanda na kami'