January 22, 2025

Home BALITA Metro

Pagmamalaki ni Lacuna: Higit ₱17B utang ng Maynila, unti-unti nang nababayaran

Pagmamalaki ni Lacuna: Higit ₱17B utang ng Maynila, unti-unti nang nababayaran
Photo Courtesy of Diann Calucin/MANILA BULLETIN

Unti-unti nang nababayaran ng Manila City Government ang mahigit sa ₱17 bilyong utang na iniwanan ng nakaraang administrasyon.

Ito ang ipinagmalaki ni Manila  Mayor Honey Lacuna sa idinaos niyang State of the City Address (SOCA) nitong Martes ng hapon sa PICC Forum Tent sa Pasay City.

Ayon kay Lacuna, ang naturang utang ay minana niya sa nakaraang administrasyon at aniya nakapagbayad na sila ng mahigit ₱2 bilyong piso sa loob lamang ng isang taon.

"Sa pagtatapos ng pandemya, at sa pagpasok ng ating bagong pamamahala, nagdesisyon ako, na unahin na matustusan ang minana nating pananagutan sa mga nagpahiram ng pondo. Umabot ito ng mahigit pa sa ₱17 billion. Sa masinop at maayos na pamamahala natin sa pananalapi ng bayan, unti-unti, ipinagmamalaki kong nakapagbayad na tayo at nabawasan ang obligasyon ng mahigit sa ₱2 bilyong piso, sa loob lamang ng isang taon. Tuloy-tuloy lang, at hindi natin tatalikuran ang mga obligasyon," pahayag pa ni Lacuna.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Ang naturang SOCA ay dinaluhan ng may 1,000 opisyal at empleyado ng Manila City Government, sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo-Nieto.

Nagsidalo rin ang pamilya, mga kaalyado at mga tagasuporta ng alkalde.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lacuna na sa kabila ng paghihigpit ng sinturon dahil sa minanang utang noong nakaraang administrasyon ay patuloy niya itong nababayaran, itinuloy ang mga pending projects at naglunsad pa ng maraming programa para matugunan ang mga pangangailangan ng Manilenyo, lalo na sa aspeto ng kalusugan, hanapbuhay at iba pa. 

Tiniyak din ng alkalde na, "Sa mga susunod na taon, dahil sa ating matapat na pagsisinop ng ating pamahalaan ay maisasakatuparan na natin ang mga naihanda nating plano para sa ikagaganda ng lungsod ng Maynila.  Ang nasimulan natin. Ituloy natin. Ang bagong kabanata sa kasaysayan ng ating minamahal na lungsod ng Maynila. Magkakasama. Bilang isang pamilya.  Ito ang ating laban."

Dagdag pa niya, "Maynila, malayo na ang ating narating. Ngunit marami pa tayong kailangan gawin. Hinihiling ko lang, na kayo, ay MANIWALA. Hindi lamang sa aking kakayahan na maghatid ng pagbabago, kundi sa inyong mga sarili."     

"Ito na ang ating pagkakataon, na sama-samang sagutin ang hamon ng ating lungsod. Hindi TAYO titigil. Hindi AKO titigil. Hanggang sa ating makamit, ang pinapangarap nating Magnificent Manila," aniya pa.

"Mga kapwa ko Manileño, isa pong karangalan ang patuloy kayong  pagsilbihan. Ngayon man o bukas, umaraw man o umulan, hinding hindi ko kayo iiwan.  Maynila, Ikaw LAMANG ang UNA, Kay Honey Lacuna," pagtatapos pa ng alkalde.