Patay ang 10-anyos na batang lalaki, na isa umanong person with disability (PWD), nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Paco, Manila nitong Miyerkules, Hulyo 31.
Kinilala lang ang biktima sa alyas na 'Den,' na bangkay na nang matagpuan sa ikalawang palapag.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:20 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ni Venerando Tablo, na matatagpuan sa Merced St., malapit sa kanto ng San Antonio St., sa Paco.
Nabatid na nasa silid ang biktima nang maganap ang sunog.
Tinangka pa umanong balikan ng pamilya ang biktima upang iligtas ngunit hindi na kinaya pa ang matinding init, dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naideklarang fire-out dakong alas-11:38 ng umaga.
Nabatid na nasa tatlong bahay ang naapektuhan ng sunog at tinatayang aabot sa P70,000 ang halaga ng mga napinsala nitong ari-arian.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.