Unang naiulat ng Balita na kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na umaabot na sa mahigit 5.1 milyong botante ang dineactivate nila mula sa voter's list.
Basahin: 5.1 milyong botante, dineactivate ng Comelec
Kaugnay nito, paano nga ba i-reactivate ang registration record ng isang botante?
Ayon sa Comelec, maaaring mag-apply online ng application for reactivation ang botanteng na-deactivate hanggang Setyembre 30, 2024.
Maaari lamang magtungo sa https://irehistro-local.comelec.gov.ph/ at sundin ang mga tagubilin.
1. Piliin ang uri ng aplikasyon. I-click lamang ang box sa gilid ng “Reactivation of Registration Record.”

2. Ilagay ang personal na impormasyon kagaya ng buong pangalan, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, kasairan, kalagayang sibil, propesyon o trabaho, at contact details.

3. Kung naaangkop, maaari rin maglagay ng karagdagang datos kung ikaw ay isang Person with disability (PWD) / Senior Citizen, Indigenous, o Illiterate.

4. Ilagay ang iyong address o tirahan

5. Piliin ang rason kung bakit na-deactivate ang iyong registration record.

6. Magtakda ng appointment para makuhanan ng Biometrics at magsumite ng aplikasyon. Ang oras ng pag-file ng aplikasyon ay mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, kabilang ang Sabado at holidays (maliban kung idineklara ng Komisyon).

7. Rebyuhin kung tama ang mga ibinigay na impormasyon.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, karamihan naman sa mga na-deactivate ay yaong mga hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksiyon.
Mayroon ding inalis base sa utos ng hukuman, pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino, at pagkakaroon ng mga di-wastong dokumento.
Ang karamihan naman sa mga tinanggal ay yaong nakumpirmang namatay na habang ang iba naman ay natuklasamg may double o multiple registration.
SAMANTALA, magaganap ang 2025 National and Local Elections sa Mayo 12, 2025.