Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na umaabot na sa mahigit 5.1 milyong botante ang dineactivate nila mula sa voter's list habang mahigit 240,000 naman ang tuluyan nang inalis sa listahan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kabuuang 5,105,191 rehistradong botante ang na-deactivate sa opisyal na listahan ng mga botante matapos ang isinagawang ERB hearing noong Abril 15, 2024 habang nasa 248,972 botante naman ang tuluyan nang natanggal o binura sa listahan.
"As of April 15, 2024 ERB Hearing
Deactivated = 5,105,191
Deleted = 248,972," ani Garcia, sa isang Viber message.
Sinabi ni Garcia na karamihan naman sa mga na-deactivate ay yaong mga hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksiyon.
Mayroon ding inalis base sa utos ng hukuman, pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino, at pagkakaroon ng mga di-wastong dokumento.
Ang karamihan naman sa mga tinanggal ay yaong nakumpirmang namatay na habang ang iba naman ay natuklasamg may double o multiple registration.
“[‘Yung] natanggal [ay] dahil sa kamatayan [at] multiple at double registration,” ani Garcia.
Samantala, iniulat din ng poll chief na nakatanggap ang poll body ng kabuuang 409,329 na aplikasyon para sa reactivation mula Pebrero 12 hanggang Hulyo 20.