Binalaan ni Senador Win Gatchalian si Atty. Harry Roque na ipapa-contempt siya ng Senado kapag hindi pa raw niya respetuhin sa pagdinig si Senador Risa Hontiveros.
Ito ay matapos magkainitan nina Hontiveros at Roque sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Lunes, Hulyo 30, hinggil sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa naturang pagdinig ay muling tinanong ni Hontiveros si Roque tungkol sa dokumento kung saan nakasaad na tumayo umanong abogado ang huli ng ni-raid na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga kamakailan.
“Para patunayan po ‘yung katotohanan na nakasaad sa dokumentong ‘yan, dapat meron pong testigo na nakakita nang ginawa ‘yang dokumentong ‘yan, o hindi naman kaya ‘yung testigo na gumawa ng dokumentong ‘yan, o ‘di naman kaya ‘yung testigo na pumirma ng dokumentong ‘yan. Kapag wala po iyan, hindi po siya pwede,” giit ni Roque.
“Actually as I said earlier…,” saad naman ni Hontiveros ngunit hindi pa rin tumigil sa pagsasalita si Roque.
“Ma’am excuse me,” ani Roque.
“No, excuse ‘me’, Atty. Roque,” pagdidiin naman ni Hontiveros.
“I’m sorry, Madam. But I am a resource person invited. I was asked to answer,” ani Roque.
“Wait, let me finish. Yes, you already answered in excess. Sandali po,” giit ni Hontiveros.
“Hindi ko po maintindihan. Kapag gusto ninyo akong tumigil, papatigilin ninyo ako kapag ako nag-e-explain. I thought we are engaged to search for the truth,” saad naman ni Roque.
“Oh, definitely we are,” pagsasalita ni Hontiveros.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay nagsalita na si Gatchalian upang sitahin ang pagsabat ni Roque kay Hontiveros.
“Atty. Roque, please be reminded to respect the chairperson,” ani Gatchalian.
“I’m very respectful,” sagot naman ni Roque.
“Paanong respectful eh nagsasalita siya sinasabayan mo siya?” giit naman ni Gatchalian.
“I apologize, Senator Gatchalian,” ani Roque.
“One more and I will cite you in contempt. And if you disrespect the chairperson, we’ll be compelled to cite you in contempt,” saad ni Gatchalian.
“Huwag mo namang sabayan siya, nagsasalita siya. Siya ang chairperson,” dagdag pa niya, dahilan kaya’t muling humingi ng paumanhin si Roque.