Magandang balita dahil pagtutulungan ng Department of Tourism (DOT), Department of Health (DOH), at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang pagtatatag ng Tourist First Aid Facilities sa mga tourist destination sa bansa.
Nabatid na ito ay isa na namang flagship project sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Layunin nitong pataasin pa ang safety standards ng mga tourist destinations.
Pinangunahan nina DOT Secretary Christina Garcia Frasco, DOH Secretary Teodoro Herbosa, Jr., at TIEZA Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid, na kinatawan ni Assistant COO Atty. Joy Bulauitan, ang ceremonial signing ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa proyekto.
Ang aktibidad ay sinaksihan naman nina DOT Assistant Secretary Judilyn Quiachon, TIEZA ACOO Atty. Karen Mae Sarinas-Baydo, at DOH Undersecretary Dr. Elmer Punzalan.
Napag-alaman na ang inisyal na set ng mga Tourist First Aid Facilities ay itatayo sa mga pangunahing key tourist destinations.
Kabilang dito ang La Union, Boracay, Siargao, Panglao, Palawan, at Puerto Galera, o sa mga lugar na may high concentration ng mga turista.
Ang mga naturang pasilidad ay magsisilbi bilang emergency response centers para sa mga turista na nagkaroon ng aksidente o pagkasugat sa kanilang pagbisita at pangangasiwaan ng mga well-trained healthcare professionals.
Mayroon itong mga essential medical supplies at medikasyon upang matiyak ang mabilis at epektibong emergency assistance.
Maglalagay rin umano sila ng lifeguard station o viewing deck para mabantayan ang kaligtasan ng mga turista.
Magtatayo rin umano ng mga solar-powered Tourist First Aid Booths sa beachfront areas, partikular na sa kahabaan ng coastlines, upang tumugon sa agarang pangangailangang medikal ng mga turista.
Ang mga naturang booths ay mayroon ring First Aid supplies, automated external defibrillators (AEDs), pullout stretcher, CCTV camera, at isang two-way communication system na nag-uugnay sa isang command center para sa emergency calls.