Nagsalita na ang beteranang aktres na si Eva Darren sa bersyon ng kaniyang kuwento sa kontrobersyal na pagdedma sa kaniya bilang presenter sa naganap na Filipino Academy for Movie Arts and Sciences (FAMAS) awarding ceremony noong Mayo, na umani ng katakot-takot na kritisismo sa nabanggit na award-giving body.
Sa talk show-vlog ng showbiz insider na si Aster Amoyo, ikinuwento mismo ni Eva ang mga nangyari nang gabing iyon. Aniya, malapit lamang ang kanilang mesa nina Divina Valencia at Marissa Delgado sa entablado kaya imposibleng walang nakakita sa kaniya.
Nang mga sandaling hindi siya tinawag sa entablado bilang presenter ay nakaramdam umano ng pagkapahiya si Eva lalo't naghanda talaga siya sa nabanggit na event at isinama pa ang mga apo.
"Parang gusto ko nang maglupasay non, kasi nahihiya ako. Maraming nakakaalam... manonood ng FAMAS, nagpaalam na ako sabi ko, mare, pasensya na ha, aalis na ako kasi nahihiya ako," ani Eva.
"Sabi ko sa anak ko, sabihin mo pasensya na... Napahiya ako, ang sakit," ani Eva, habang nagiging emosyunal.
Napaiyak daw siya nang makauwi na siya sa bahay. Hindi naman napigilan ng mga anak na ilabas ang kanilang nararamdaman sa nangyari sa kanilang ina, bagay na ginawa ng kaniyang panganay na anak na si Fernando dela Pena na nasa ibang bansa, na siyang pinagmulan kung bakit nalaman ng mga tao ang nangyari.
"Nanginig talaga ako, 'yon lang, napahiya ako eh," giit pa ni Eva.
Wala raw siyang social media kaya nagulat siya nang sabihin sa kaniya ng mga anak na kalat na kalat na at nasa balita na rin ang nangyari sa kaniya.
Pero mukhang naka-move on na rin naman si Eva matapos na mag-sorry sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang pamunuan ng FAMAS.MAKI
MAKI-BALITA: Batikang aktres na si Eva Darren, ‘binastos’ sa FAMAS?
MAKI-BALITA: FAMAS, nag-sorry kay Eva Darren
MAKI-BALITA: Anak ni Eva Darren, may tugon sa dispensa ng FAMAS