Inilatag ni Jomar I. Cañega, Puno ng Sangay ng Impormasyon at Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang mga gawain ng ahensya sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2024.
Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Hulyo 29, sa gusali ng Philippine Information Agency sa Quezon City, binanggit ni Cañega ang tungkol sa paglulunsad ng limang serye ng webinar sa pamamagitan ng Zoom at Facebook Live tuwing 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali sa magkakaibang petsa.
Ang paksa ng unang serye na pinamagatang “FSL Tungo sa Ingklusibong Pambansang Kaunlaran” ay tatalakayin ni Dx. Raphael V. Domingo sa darating na Biyernes, Agoso 2.
Susundan ito ng “Sistematiko at Maka-agham na Pananaliksik Tungo sa Pambansang Kaunlaran” ni Dr. Enrico S. Paringit sa Agosto 6.
Habang ang ikatlong serye na pinamagatang “Paggamit ng Indigenous System and Practices (IKSP) sa Scientific Research” ay tatalakayin ni Dr. Lakandupil C. Garcia sa Agosto 13, nakatoka naman kay Dr. Alvin De Mesa sa Agosto 20 ang FSL “Tungo sa Ingklusibong Pambansang Kaunlaran.”
Samantala, tutuldukan ni Dr. Jose Reuben Q. Alagaran II ang serye ng webinar sa pamamagitan ng tatalakayin niyang paksa na “Paglaban sa Misinformation (Fact Checking)” sa Agosto 27.
Ayon sa KWF, ang tema para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa susunod na buwan ay “Filipino: Wikang Mapagpalaya.”