Ipinahayag ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Arthur Casanova na napakahalagang instrumento ng wika upang maipadama ang kalayaan.
Sa isang press conference nitong Lunes, Hulyo 29, para sa pagsisimula ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, sinabi ni Casanova na isa sa mga pangunahing kapakinabangan ng wika ay ang katangian nitong “mapagpalaya.”
“Ang 'mapagpalaya' ang susing salita sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024. Ang panlaping ‘mapag’ ay may konteksto ng katangiang may hilig o may ugali,” ani Casanova.
“Samantala, batay sa katuturang mula sa mga diksyonaryo, tatlong konteksto ang mahuhugot ng katuturan ng salitang 'laya' o 'kalayaan'. Una, ang estado ng pagiging walang hadlang o balakid; ikalawa, ang pagkawala sa kalayaan ng pagiging alipin; at ikatlo, tumutukoy ito sa likas na kapangyarihan ng bawat tao upang gawin ang gusto o nais,” dagdag niya.
Kaugnay nito, binanggit din ng tagapangulo ng KWF na napatunayan na sa kasaysayan ng bansa kung paano naging mabisa ang wika upang isulong ang mga ideyang nauukol sa pagtamo ng kalayaan. Kasama raw dito ang mga akda nina Francisco Balagtas, Herminigildo Flores, Marcelo H. del Pilar, Dr. Jose P. Rizal, Graciano Lopez Jaena, Mariano Ponce, Antonio Luna, at iba pa.
“Pinatunayan ng ating kasaysayan na ang wikang gamit ng mga manunulat: makata, nobelista, mananaysay, mandudula, manunulat ng maikling kuwento, atbp. ay naging matagumpay sa pagpapadama ng marubdob na damdaming matamo ang kalayaan mula sa mga manlulupig,” ani Casanova.
“Tunay na ang wika ay mahalagang instrumento sa pagpapadama at pagpaparating ng kalayaan. Nagsisilbi ang wika bilang sandata laban sa mapang-api at mapang-abusong indibidwal, lipunan, at isang bansa,” saad pa niya.
Ayon sa KWF, “Filipino: Wikang Mapagpalaya” ang tema para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa para sa taong ito.