Sinimulan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na i-fully digitalize ang pagkakaloob ng kanilang Medical Assistance Program (MAP) para sa mga kababayang nangangailangan ng tulong medikal.
Ito’y sa pamamagitan ng rollout ng electronic guarantee letters (e-GLs) upang aprubahan ang mga benepisyaryo sa Metro Manila.
Ayon sa PCSO, sa tulong ng e-GL issuance, magiging available na ang MAP assistance sa mga aplikante, maging sa weekends o pagkatapos ng office hours.
Sinabi ni PCSO General Manager at Vice Chairman of the board of directors, Melquiades "Mel" Robles, na ang kanilang pangunahing layunin ay ipasilidad ang MAP assistance sa mga pasyente, maging sa mga araw ng Sabado at Linggo.
Bunsod na rin aniya ito ng ilang insidente na may mga aprubadong benepisyaryo ng MAP assistance na nagkakaroon ng karagdagang medical expenses dahil kinakailangan pang palawigin ang pananatili sa pagamutan, dahil ang release ng kanilang MAP ay inabot ng Sabado, na lampas na sa office hours ng PCSO.
Paliwanag pa ni Robles, "Our goal is to release e-GLs to allow our patient-beneficiaries to get released from the hospital even during weekends."
Ayon kay Robles, inatasan na ni Pang. Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan na hanggat maaari ay i-digitalize ang kanilang mga sistema at operasyon upang higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo at tulong ng pamahalaan para sa mga mamamayan.
Nabatid na sa ilalim ng programa, itinigil na ng PCSO ang pagtanggap ng MAP assistance application sa kanilang dating email address na [email protected].
Upang ma-access naman ang PCSO MAP Online Application System, kinakailangan lang ng mga aplikante na magtungo sa PCSO official website na www.pcso.gov.ph at i-click ang e-services link, kung saan sila maaaring magrehistro at gumawa ng individual account at simulan ang kanilang aplikasyon.
Kinakailangan rin umano ng mga aplikante na maghanda ng scanned copies o screenshots ng lahat ng kinakailangang dokumento, base sa medical assistance na hinihiling nila.
Matapos ito, makakatanggap ang aplikante mula sa PCSO ng email notifications bilang kumpirmasyon na natanggap na ang kanilang aplikasyon.
Ang mga naaprubahan naman ang aplikasyon ay makakatanggap ng e-GLs, sa pamamagitan ng email.
Ang naturang e-GLs ay dapat na ipa-print at iprisinta sa mga partner health facilities ng PCSO, gaya ng mga pagamutan, botika, at laboratory, kasama ng kumpleto at orihinal na medical documents na isinumite ng inaprubahang aplikante.
Ang MAP, na dating kilala bilang Individual Medical Assistance Program, ay idinisenyo upang magkaloob ng tulong medikal sa mga mahihirap na Pinoy, na nangangailangan ng hospital confinement, chemotherapy, dialysis, at post-transplant medicines.
Pinupondohan ang naturang programa mula sa kita ng PCSO lotto, small town lottery at digit games sa buong bansa.
Kaugnay nito, hinikayat muli ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang makatulong sa kawanggawa.