“Ano ngayon kung majority leader si Senator Francis Tolentino?”
Ito ang iginiit ni Senador Koko Pimentel III matapos niyang sabihing hindi niya maintindihan kung bakit pinagbibitiw ni Senador Robin Padilla si Senador Francis Tolentino sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP).
Matatandaang noong Huwebes, Hulyo 25, nang imungkahi ni Padilla, bagong pangulo ng PDP, kay Tolentino na magbitiw na ito bilang party vice president for Luzon at miyembro ng kanilang partido.
Giit ni Padilla, mas makabubuti umano ang pagbibitiw ni Tolentino sa PDP upang matutukan nito ang kaniyang mga responsibilidad bilang Senate majority leader, at upang maiwasan daw ang pagkuwestiyon sa kanilang pagtugon sa mga isyu sa bansa, lalo na sa usapin ng politika.
MAKI-BALITA: Robin Padilla, pinagbibitiw si Francis Tolentino sa PDP
Samantala, sa isang panayam ng DWIZ nitong Sabado, Hulyo 27, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Pimentel, miyembro ng ibang paksyon ng partido na may pending case sa Supreme Court (SC), na hindi niya maintindihan kung bakit gumagawa raw ang PDP ng isyu sa loob ng kanilang grupo.
"Ewan ko bakit sila nagke-create ng issue sa loob ng grupo nila pero sa mata ng PDP-Laban faction ko, sa mata namin, hindi namin sila ka-miyembro kaya wala akong pakialam sa ginagawa nila," ani Pimentel.
"Ano ngayon kung majority leader si Senator Tolentino, hindi ba part din ng majority si Senator Robin Padilla? So anong problema? Di ko nakukuha ang problema," saad pa niya.
Nang hingian naman ng panig si Tolentino hinggil sa usapin, sinabi nitong hindi umano ito ang panahon para pag-usapan ang politika dahil dapat daw unahin ang mga biktima ng bagyong Carina.