Nanguna si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles sa pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Carina at habagat sa ilang mga lungsod sa National Capital Region (NCR) gaya ng Navotas, Valenzuela, at Quezon City.
Matatandaang noong Miyerkules, Hulyo 24, agad na inatasan ni Robles ang lahat ng sangay ng PCSO at mga small-town lottery authorized agency corporations (AACs) na tumulong at kaagad na magsagawa ng relief operations sa mga lugar na apektado ng pananalasa ng bagyong Carina at ng habagat.
Ang direktiba ni Robles ay kasunod na rin ng kautusan ni Pang. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa lahat ng frontline agencies na tiyaking ang lahat ng mga pamilyang naapektuhan ng katatapos na kalamidad ay mabibigyan ng kinakailangan nilang tulong.
“I have instructed our branch offices to coordinate with local government units for a swifter and smoother distribution of groceries and food packs to the affected families,” ayon kay GM Robles.
Kaugnay nito, inihayag ni GM Robles na noong Miyerkules ay nakatakda sanang mamahagi ng relief goods at iba pang tulong ang PCSO para sa mga biktima ng bagyong Carina ngunit hindi ito natuloy dahil na rin sa mga pagbahang naganap sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Una sanang tutunguhin ng PCSO team, sa pangunguna mismo ni Robles, ang Camanava area para sa relief operations ngunit napilitan silang bumalik ng kanilang opisina dahil sa mga baha.
“We were literally stopped in our tracks by the heavy rains and massive flooding from bringing relief goods and other assistance to the victims especially those in the Camanava area,” ani GM Robles.
Nang gumanda ang panahon ay natuloy rin naman ang pamamahagi ng relief goods o mga ‘Charitimba’ ng PCSO sa Camanava area, sa pangunguna ng Valenzuela City noong Huwebes ng umaga.
Samantala, nagbigay rin naman ang mga AACs ng tulong para sa relief operations, na kinabibilangan ng Hit It Big Gaming Corporation (Cagayan) na nagbigay ng 200 grocery bags; Pines Estate and Gaming Corp. (Benguet and Baguio City STL-AAC), na nagbigay ng 30 sako ng bigas; Caloocan AAC na nagbigay ng 10 kaban ng bigas; Grand 888 AAC na nagbigay ng 100 packs ng groceries; at Great Mind Games and Amusement Corp- Muntinlupa na nagbigay ng groceries para sa 900 pamilya.
Nagkaloob rin ng tulong ang Ludis Bay AAC Caloocan na nagbigay ng 10 kaban ng bigas; Pluto AAC- Manila na nagbigay ng relief goods para sa 500 pamilya; Tiger Claws AAC- Pasay, na nagbigay ng relief good para sa 300 pamilya; at IRIS ACC- Las Pinas, Winning Pick AAC- Malabon at Lucent AAC- Quezon City, na pawang nagbigay rin ng mga relief goods.