Sa pananalasa ng bagyong Carina at southwest monsoon (habagat) kamakailan sa ilang bahagi ng Pilipinas partikular sa National Capital Region (NCR), tila nanumbalik ang dalang bangungot ng bagyong Ondoy sa maraming Pilipinong naapektuhan nito.
Ang Ondoy, na may international name na Ketsana, ang itinuturing na ikalawa sa pinakamapinsalang bagyo na dumaan sa Pilipinas noong Setyembre 2009.
Batay sa ulat, tinatayang nasa 200,000 ang nasirang mga tahanan, halos 529 katao ang napinsala, at 37 ang mga nawawala. Karamihan sa mga biktima ng bagyo ay mula sa Quezon City, Marikina, at Rizal.
Tulad ng Ondoy, idineklara rin bilang super typhoon ang Carina.
MAKI-BALITA: Bagyong Carina, idineklara nang super typhoon
Isinailalim din sa state of calamity ang buong Metro Manila dahil sa halos walang hintong pag-ulan at mabilis na pagtaas ng baha sa mga kalsada.
MAKI-BALITA: Metro Manila, idineklara na sa ilalim ng state of calamity
Pero ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), mas malakas pa rin umano ang ulang dala ng Ondoy.
Base sa tala ng Science Garden monitoring station, sa loob ng 24 oras, mula 8:00 am ng Hulyo 24 hanggang 8:00 am ng Hulyo 25, nasa 323.9 millimeters (mm) ang kabuuang ibinuhos na ulan ng habagat na pinalakas pang lalo ni Carina
Samantala, ang bagyong Ondoy naman noong 2009 ay may 455 mm na ulang dala sa loob ng 24 oras.