November 22, 2024

Home BALITA

Tatlong lalaki, nakuryente sa Rizal habang bumabagyo, patay!

Tatlong lalaki, nakuryente sa Rizal habang bumabagyo, patay!
file photo

Patay ang tatlong lalaki nang makuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina at habagat sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng Rizal nitong Miyerkules.

Batay sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO), dalawa sa mga biktima ay nakilalang sina Jay-R Mistal, 32, construction worker at residente ng La Jolla Subdivision sa Brgy. Burgos, Rodriguez at Alvin Bulatao, 20, ng Village East Subdivision, Brgy. Sto. Domingo, Cainta; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikatlong biktima na residente ng Brgy Guitnang Bayan 1, San Mateo, pawang sa Rizal.

Ayon sa Rodriguez Municipal Police Station (MPS), dakong alas- 9:35 ng umaga nang masawi si Mistal sa loob ng kanilang subdibisyon sa Brgy. Burgos.

Lumilitaw na naglalakad lamang ang biktima pauwi, kasama ang kanyang kapatid na si Carlo, nang aksidenteng mapahawak sa isang poste ng kuryente na may live wire pala.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Tinangka pa umano niyang tulungan ang kapatid ngunit maging siya ay nakuryente rin.

Nang mailayo ang biktima sa poste ay kaagad itong isinugod sa Casimiro Ynares Hospital ngunit hindi na umabot pa ng buhay.

Sa ulat naman ng Cainta MPS, dakong alas-4:00 ng hapon nang makuryente sa isang live wire at masawi rin si Bulatao sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta.

Kasalukuyan umanong abala ang biktima sa pagliligpit ng kanilang mga kagamitan sa loob ng kanilang bahay, na inabot ng baha, nang aksidenteng makahawak ng isang live wire.

Isinugod ng kanyang mga kaanak ang biktima sa Cainta Municipal Hospital ngunit dead on arrival na ito.

Samantala, batay naman sa ulat ng San Mateo MPS, dakong alas-6:00 ng gabi nang masawi ang isang di kilalang lalaki sa JP Rizal St.. sa Liamzon Village, Brgy. Guitnang Bayan 1, sa San Mateo matapos na makuryente habang nakalusong sa baha.

Kasalukuyang umanong nagsasagawa ng clearing at rescue operation sa lugar ang mga tauhan ng MDRRMO sa lugar nang mamataan nila ang biktima na palutang-lutang sa baha.

Inakala pa umano ng mga rescuers na nalunod sa baha ang biktima ngunit malaunan ay nadiskubreng nakuryente ito nang maging sila ay ma-ground sa tubig nang tangkaing iahon ang bangkay nito.

Kaagad namang inireport ng rescuers ang pangyayari sa Command Center upang kaagad na mapatay ang linya ng kuryente sa lugar at maiahon ang bangkay ng biktima.