Binuksan ang dalawang malaking dam sa Luzon dahil sa walang tigil na pag-ulan ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules, Hulyo 24.
Sa PAGASA climate forum, sinabi umano ng Hydrologist na si Sonia Serrano na nakatakda umanong magpakawala ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan at ang Binga Dam sa Benguet simula alas-onse ng umaga.
Ayon kay Serrano, 61 cubic meters per second (cms) umano ang ilalabas na tubig ng Ipo Dam habang sa Binga Dam naman ay 27 cms.
Bahagya umanong tumaas ang lebel ng tubig sa Ipo Dam kaninang alas-otso ng umaga mula 100.93 meters hanggang 101.5 meters. Mataas ito ng 0.57 metro kumpara sa normal-high water level nito na 101.1 metro kapag tag-ulan.
Samantala, ang antas ng tubig ng Binga Dam ay tumaas mula 568.26 metro hanggang 571.75 metro.
Ayon kay Serrano, bagama’t mananatili umanong minimal ang paglabas ng tubig mula sa mga naturang dam at maaaring hindi gaanong makaapekto sa mga residenteng nasa mabababang lugar, nagbabala pa rin siya tungkol sa posibleng pagbaha.
Sa mga nasa direksyon kung saan dadaan ang agos ng Ipo Dam, pinayuhan niya ang mga residente sa mababang lugar at malapit sa pampang ng Ilog Angat sa Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, at Hagonoy sa Bulacan na manatiling mapagbantay sapagkat maaaring tumaas ang antas ng ilog.
Samantala, sinabi niya na ang paglabas ng tubig mula sa Binga Dam ay maaaring makaapekto sa Barangay Ambuklao sa Bokod, Benguet, at Barangay Dalupirip at Tinongdan sa Itogon, Benguet.