Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang hamon na haharapin sa sektor ng edukasyon ng bagong Department of Education (DepEd) Secretary na si Sonny Angara.
Sa kaniyang talumpati sa State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 22, sinabi niya ang kailangang tiyakin ni Angara sa gitna ng mga suliraning kinakaharap ng edukasyon sa bansa tulad ng “classroom gap,” “digital gap,” at produksiyon ng mga textbook.
“Ito ngayon ang magiging hamon sa ating bagong kalihim na tiyakin ang pagbangon at pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa bansa sa lalong madaling panahon,” saad ni Marcos.
Bukod dito, binanggit din ng pangulo ang pangangailangang itaguyod ang kapakanan ng mga guro upang makamit ang hinahangad na tagumpay sa edukasyon.
“Sa madaling sabi, kung talagang ninanais natin na maging matagumpay ang hinahangad nating pagbangon sa larangan ng edukasyon, sila — ang ating mga guro — ang dapat nating itaguyod at patatagin,” aniya.
Matatandaang nanumpa na bilang kalihim ng DepEd si Angara noong Hulyo 19 matapos ipasa ni Vice President Sara Duterte ang panunungkulan sa ginanap na turnover ceremony sa Bulwagan ng Karunungan sa Pasay City.
MAKI-BALITA: Sonny Angara, nanumpa na bilang DepEd secretary