Binigyan ng grado ni Atty. Luke Espiritu ang performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob ng dalawang taong panunungkulan nito sa Pilipinas.
Sa panayam ng mga media personnel nitong Lunes, Hulyo 22, sinabi ni Espiritu na zero o bokya ang ibibigay nilang grado sa pangulo kasama ang mga manggagawa at masang Pilipino.
“Kung may grade man kaming ibibigay at posible ang grade na zero, zero o bokya ang grade ni Bongbong Marcos sa 2 years niya,” pahayag ni Espiritu.
Dagdag pa niya, hindi na raw matitiis pa ng masang Pilipino na umabot pa ang pangulo ng apat na taon sa posisyon kung hindi nito babaguhin ang mga polisiya sa ilalim ng "Bagong Pilipinas."
“Hindi na matitiis ang gutom, hindi na matitiis ang hirap! Hindi na matitiis ang taas ng presyo ng mga bilihin na wala silang ginagawa. Wala talagang ginagawa!” aniya.
Matatandaang si Espiritu ay isang abogado at aktibista na kumandidato bilang senador noong 2022 Elections. Naging bahagi siya ng senatorial slate ng Partido Lakas ng Masa nina Leody De Guzman at Walden Bello.