Ilulunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang high-tech mobile command center na gagamitin sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong"Marcos, Jr., Lunes, Hulyo 22.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi mismo ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, sa kumpirmasyon ng Presidential Communications Office (PCO), na unang beses na gagamitin ang nabanggit na command center upang mas matiyak na maging maayos at ligtas ang mga kalsada patungo sa Batasang Pambansa, na magiging venue ng SONA ni PBBM.
Mga nasa 1,300 MMDA personnel umano ang ide-deploy sa mga lansangan kabilang pa ang street sweepers na magpapanatili sa kalinisan ng paligid.
Ginawa ito upang madaanan pa rin nang maayos ang Commonwealth Avenue ng mga motorista, gayundin ang mga grupong nagbabalak na magsagawa ng kilos-protesta.
"Magkakaroon din po ng zipper lanes sa Commonwealth para po iyong mga dadalo sa SONA ng ating Pangulo may madadaanan po ng mabilis," aniya pa.
Magiging aktibo rin ang kanilang social media pages sa pagbibigay ng ilang detalye at updates patungkol sa SONA.
Samantala, hindi naman idinetalye sa ulat ang features ng nabanggit na high-tech mobile command center.