November 23, 2024

Home BALITA National

Jinggoy, umaasang tatalakayin ni PBBM sa SONA mga programa para sa masang Pinoy

Jinggoy, umaasang tatalakayin ni PBBM sa SONA mga programa para sa masang Pinoy
Courtesy: Sen. Jinggoy Estrada at Pres. Bongbong Marcos/FB

Umaasa si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang mga isyu at programang makapagpapabuti umano sa buhay ng masang Pilipino.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Hulyo 21, sinabi ni Estrada na una sa mga isyung nais niyang marinig ay ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa bansa.

“Sa darating na ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr., umaasa ako na kanyang matatalakay ang ilan sa mga mahahalagang isyu na lubos na may kinalaman sa masang Pilipino,” pahayag ni Estrada.

“Una na rito ang usapin ng wage hike. Kailangang matiyak ng pamahalaan na ang bawat Pilipino ay may sapat na sahod para maging maayos ang kanilang pamumuhay,” dagdag niya.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Bukod dito, iginiit din ng senador na dapat umanong matalakay rin ni Marcos sa SONA ang pagpapalawig ng mga benepisyo ng mga Pilipino, at maging ang pagpapanatili raw ng kapayapaan sa bansa habang ipinaglalaban ang soberanya nito.

“Kailangan nating tiyakin na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahang pinansyal, ay may access sa mga serbisyong ito. Kaakibat ng dalawang isyu na ito ay ang usapin ng ‘inflation’,” ani Estrada.

“Mahalaga na mapanatili natin ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon habang ipinaglalaban natin ang ating mga interes.”

“Sa kabuuan, umaasa ako na sa darating na SONA ay mabibigyan ng malinaw na direksyon ang ating bansa sa harap ng mga hamon at oportunidad na ating kinakaharap. Ang pag-unlad ng ating bansa ay nakasalalay sa pagtugon sa  mahahalagang alalahanin na ito,” saad pa niya.

Nakatakdang ganapin ang SONA ni Marcos sa Lunes, Hulyo 22, sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.