November 23, 2024

Home BALITA National

Bagyong Carina, bahagya pang lumakas habang nasa PH Sea

Bagyong Carina, bahagya pang lumakas habang nasa PH Sea
Courtesy: PAGASA/FB

Bahagya pang lumakas ang bagyong Carina habang kumikilos ito sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga, Hulyo 21.

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Storm Carina sa layong 490 kilometro sa silangang bahagi ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong kumikilos pa-west northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Patuloy raw na pinalalakas ng bagyong Carina ang epekto ng southwest monsoon o habagat sa bansa.

Kaugnay nito, inaasahang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Antique, Occidental Mindoro, Zambales, Bataan, Pangasinan, La Union, at Northern Palawan kabilang na ang Cuyo, Calamian, at Kalayaan Islands.

Bukod dito ay magdadala rin ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, Mindanao, Cavite, Laguna, Batangas, mga natitirang bahagi ng Visayas, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng Luzon dahil naman sa localized thunderstorms.

Samantala, inihayag ng PAGASA na inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyong Carina pagsapit ng Miyerkules, Hulyo 24.