Tinatayang 16 milyong mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang mga sarili bilang “mahirap” nitong Hunyo 2024, kung saan ang bilang na ito ang pinakamataas na naitala mula noong 2008, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Base sa Second Quarter survey ng SWS na inilabas nitong Huwebes, Hulyo 18, 58% o 16 milyong pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay mahirap.
Ito raw ang pinakamataas mula sa 59% na naitala noong Hunyo 2008.
“The June 2024 percentage of Self-Rated Poor families was 12 points above the 46% in March 2024 and the highest since 59% in June 2008,” anang SWS.
Nakasaad din sa June 2024 survey ng SWS na ang pinakamataas na porsyento ng Self-Rated Poor families ay naitala sa Mindanao sa 71%. Sinundan ito ng Visayas sa 67%, Balance Luzon sa 52%, at Metro Manila sa 39%.
“Compared to March 2024, Self-Rated Poor rose by 15 points in Mindanao from 56%, 14 points in Balance Luzon from 38%, and 6 points in Metro Manila from 33%. It rose slightly by 3 points in the Visayas from 64%,” saad ng SWS.
Samantala, sa pinakabagong survey ay inihayag din ng SWS na nasa 30% naman ang naniniwalang hindi sila mahirap, habang 12% ang nagsabing sila ay nasa borderline o nasa pagitan ng mahirap at hindi mahirap.
Isinagawa raw ang nasabing survey mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondents na ang edad ay 18 pataas sa bansa, kung saan 600 dito ay mula sa Balance Luzon (o mga lalawigan sa Luzon na labas ng Metro Manila), at 300 sa Metro Manila, 300 sa Visayas, at 300 din sa Mindanao.
Mayroon daw itong sampling error margins na ±2.5% para sa national percentages, ±4.0% para sa Balance Luzon, at kapwa ±5.7% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.