Naglabas ng pahayag si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo hinggil sa ilang mga isyung kaniyang kinahaharap, tulad ng hindi niya pagdalo sa dalawang nagdaang pagdinig ng Senado.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Hulyo 18, sinabi ni Guo na hindi siya nakadalo sa mga nahuling Senate hearings noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024 dahil daw sa trauma na naranasan niya sa mga nagdaang pagdinig ng Senado.
“I regret that I was unable to attend the last two Senate hearings due to the severe exhaustion and trauma I have experienced following the earlier hearings and the numerous cases filed against me,” ani Guo.
“My primary priority now is my health and peace of mind, so that I can properly address all the legal issues directed at me,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong lamang Sabado, Hulyo 13, nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa naturang dalawang pagdinig ng Senate committee kaugnay ng na-raid na POGO hub sa Bamban.
Bukod sa suspendidong alkalde ay inihain din ang arrest order laban kina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, Sheila Guo, Wesley Gui, Jian Zhong Go, Seimen Guo, at Wenyi Lin.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
Samantala, sa naturang pahayag ay kinuwestiyon din ni Guo ang pagtutok sa kaniya nina Senador Risa Hontiveros at Senador Win Gatchalian, sa halip umano na magtuon sila sa “critical issues” ng bansa.
MAKI-BALITA: Alice Guo kina Hontiveros at Gatchalian: 'Am I really the country's biggest problem?'
Itinanggi rin ng alkalde ang pagkakadawit sa kaniyang pangalan hinggil sa umano’y banta sa buhay ni Gatchalian.
MAKI-BALITA: Guo, umalma sa pagdawit sa kaniya sa 'death threats' na natanggap ni Gatchalian