December 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Dagat ng mga Aklat: Kuwento sa likod ng kauna-unahang book fair sa Quezon

Dagat ng mga Aklat: Kuwento sa likod ng kauna-unahang book fair sa Quezon
Photo Courtesy: Atimonan Book Fair (ABF)

Isa ang Atimonan sa mga bayang matatagpuan sa lalawigan ng Quezon. Nasa tagiliran nito ang baybayin ng Lamon na nag-uugnay sa katimugang bahagi ng lalawigan patungo sa Philippine Sea. 

Pero sa darating na Agosto 4, hindi lamang basta dagat ang makikita sa naturang bayan. Sa kauna-unahan kasing pagkakataon ay ilulunsad ng Atimonan Historical Society (AHS) ang makasaysayang Atimonan Book Fair. 

Dadaluhan ito ng mga manunulat, ilustrador, historyador, tagapaglathala, tagapagsalita, at eksibitor sa bansa. Maliban sa book signing at panayam, mayroon ding mga nakalaang patimpalak, programa, at gawain tulad ng Arts and Crafts Workshop, Kids Zumba, Children’s Storytelling Contest, Likhaklat Book Cover Art Contest, at marami pang iba.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Christian Andrew Cervantes—pampublikong guro, tagapagtatag, at pangulo ng AHS—ibinahagi niya kung paano nagsimula ang ideya na maglunsad ng isang book fair sa Atimonan.

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

“Nagsimula ang initiative ng Atimonan Historical Society sa pag-attend ng book signing event sa Lucban, Quezon ng aming kasamahan na si Pepot Atienza. Naisip namin na sana magkaroon ng katulad na event sa Atimonan, and the rest is history,” aniya.

Si Atienza ay isang premyadong ilustrador ng mga aklat pambata at child rights advocate mula sa Atimonan. Siya rin umano ang tumayong project chairman ng nasabing event.

Bukod dito, inusisa rin si Cervantes kung posible bang maulit ang book fair sa mga susunod pang mga taon hindi lamang sa Atimonan kundi pati sa iba pang bayan sa Quezon. 

Ayon sa kaniya: “Nakaplano na sa amin na gawin ito taun-taon sa bayan ng Atimonan. Hindi pa namin masasabi kung pati sa ibang bayan ay amin itong maisasagawa.”

Kaya naman huwag nang palampasin pa ang pagkakataong makapaglunoy sa biyayang hatid ng mga aklat. Sisirin o kaya nama’y bingwitin ang mga kaalaman at karunungan sa pusod ng mga pahina nito.

Sa kasalukuyan, maaari nang makabili ng ticket na magsisilbing festival day pass para sa lahat ng libreng events gaya ng workshops, talks, book signings, at iba pa. 

Para sa kompletong detalye, makipag-ugnayan lamang kina Ronavilt Arevalo Constantino ( 09509914232), Christian Andrew Cervantes (09277061263), Catherine Glor (09092300315), o sa Facebook page ng Atimonan Book Fair.